Huwag Magpigil Seryoso

_MG_6297
kuha ni LORENZO ABEL S. DIONISIO

Huwag Magpigil Seryoso
ni Ynca Ann Eve Duerme
Isang parodiya sa tulang “Ang Huling Tula Na Isusulat Ko Para Sa’yo” ni Juan Miguel Severo

Ito na ang huling tula na isusulat ko para sa’yo. Pangako ‘yan, at totoo. Sa pagdami ng taong kay dulas magsalita at sa pagdami ng mga indibidwal na ipinapako sa pader ang kanilang bawat gunita, dito kita ihihimlay sa pahinang ito, dito kung saan walang tugma’t sukat o ritmo, kung saan gagamitin ko ang kahit na anong kataga, letra, salita upang ilabas ang imbiyerna sa mga ipinanukala mo. Di ko alam kung gaano magiging kahaba, kung kasya ba sa isang piyesa o isang pahina dahil hindi naman lahat nasasabi sa dulo. Pero pangako ‘yan, ito na ang huling tula na isusulat ko para sa’yo.

Wala akong pakialam kung abutin man tayo ng buong maghapon pero kailangan kong ilabas ang lahat ng ito, kung kailangan mang isa-isahin ang mga posibleng tugma sa pangalan mo, mahal, garapal, kupal, kapal, negro, kalbo, siraulo, gago, ano pa ba? Wala akong pakialam, kung abutin man ako ng siyam-siyam. Pero hindi ko na pwedeng patirahin lang sa loob ko ang mga salitang ito. Kaya pangako, ito na ang huling tula na isusulat ko para sa’yo.

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paano mo ako nginitian at sinabing, “Kumusta,” sabay ang pag-abot sa aking mga daliri upang makipagkamay at itanong kung saang barangay ako nakatira. Hindi mo man lang pinansin ang mga mura sa dingding, hindi natinag sa mga ipis sa kanal o ang burak na bumubukal na biglang umapaw sa iyong pagbisita pero hindi mo rin lang tiningnan ang mga musmos na natutulog sa tabi ng bahay ko na tangi ko noong kapiling.

Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paanong niyakap mo ang ina, sa kung paanong tumitig ka at binuo mo sa aking isipan ang tuwid na daan, sa kung paano mo hinubog ang aking kalamnan na magtiwala sa iyo, sa kung paano mo pinilit pag-isahin ang galaw natin para masabi mong may sa iyo, sa kung paano mo pilit inaabot ang daliri ko habang isinisilid mo sa sobre ang buo kong pagkatao, sa kung paanong binigyan mo ng salamin ang lolo, habang pinagsisigawan ng mga tanod ang pangalan mo, habang gumigiling ang mga babae sa harap ko at pinaghahalikan ako sa noong nagsasabing, “Mahalaga ka” at ako naman ‘tong si tanga,  tuwang-tuwa, dahil di pa ko nalilinawang ayaw ko na maging mahalaga.

Ayaw ko na maging mahalaga.

Hindi ako antigong salamin, na matagal mo nang pag-aari, na tinitingnan mo lang para ipaalala sa sarili mong mananalo ka. Ayaw ko na maging mahalaga. Hindi ako teleponong dudukutin lang sa bulsa, kapag kailangan mo ang populasyon, sa kawalan mo ng koneksyon, sa mundo mong masyado nang malawak para bigyang atensyon ka pa. Ayaw ko na maging mahalaga. Hindi ako kuwintas na isusuot mo lang sa piling-pili mga okasyon, kapag mayroong eleksyon, kapag mayroong mga sitwasyon na pakiramdam mo ay kulang ka pa, sa kung paanong palagi kang bukas sa mga katulad ko ngunit sarado sa oras ng sakuna, eleksyon, kung kailan namumutawi ang ngiti mo sa bawat barangay na dinadaluhan ngunit magkukulong sa loob ng sasakyan kapag hindi mo pagkakataon. Hindi ako pamparami sa loob ng isang kahon sa takot na matalo ka nila, o ibalik sa loob ng isang kahon sa dulo ng siyudad sa takot na madamay ang iba sa demolisyon, ayaw ko na maging mahalaga.

Ang gusto ko ay magmura.

Kailangan ko na murahin kang parang kape sa umaga, sa mga pagkakataong napapaso ako sa init ng ulo mo, o sa tuwing ikinagugulat ko ang iyong pagpupumilit na dumaan sa masisikip na kalye habang pinapauna ang mga kapulisan na mas magandang magtanod ng kabahayan kesa ihatid ka sa bahay ng iyong biyenan. Kailangan kong magmura gaya ng iyong pagkairita sa iyong opisina, sa hindi mo pagkakaalam kung nasaan ang ano, dahil kailangan mo ang sekretarya mo para ituro kung saan nakatago ang alin, sa hindi namin pagkabisado ng mga natatago mong patalim, silbi, dumi, lihim, patalim, silbi, dumi, lihim. Kailangan kong murahin ka gaya ng unan ko sa gabi, inilalaglag sa sahig, isinasantabi kapag mainit, binubulungan ng mga balak at natatagong panaginip.

Ayaw ko na maging mahalaga. Ang kailangan ko ay magmura.

Kaya’t nagsulat ako noon para maunawaan mo, kaya kahit murahin mo man ako pero magsusulat ako. Hanggang sa maubos ang lahat ng salita na posibleng tugma ng itsura mo, patawad. Pero magsusulat ako.

Magsusulat ako para murahin ka, dahil sinabi sa akin na ang hindi daw marunong magmura ay hindi makakapagsulat. Kaya magsusulat ako para murahin ka. Mumurahin kita, at mumurahin mo rin ako, dahil dalawa tayong kinasangkapan dito. Murahin mo ako sa hindi ko pagsunod, at mumurahin kita sa hindi mo pag-uutos. Murahin mo ako sa hindi ko paniniwala, at mumurahin kita sa iyong kawalang-bahala. Murahin mo ako sa aking pagrereklamo, at mumurahin kita sa iyong panduduro. Murahin mo ako sa hindi ko pagkapit at mumurahin kita sa hindi mo pag-aabot. Murahin mo ako sa hindi ko pag-layas at mumurahin kita sa iyong pag-dedemolish. Murahin mo ako dahil ako’y balimbing at mumurahin kita sa iyong pagsisinungaling. Murahin mo ako sa hindi ko pagkalimot kong magbayad ng buwis at mumurahin kita sa iyong pagpupuslit.

Kupal, gumawa tayo ng kasunduan.

Magsisimula ako uli sa umpisa, sa kung paano mo ako nginitian at sinabing, “Kumusta,” sabay ang pag-abot sa aking mga daliri upang makipagkamay upang itanong kung saang barangay ako nakatira. Magsisimula ako uli sa umpisa. Magsisimula ako uli. Magsisimula ako.

Ito na ang huling tula na isusulat ko para sa’yo, mali.

Ito na ang huling tula na isinulat ko para sa’yo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us