Ang Binata sa Labas ng Hayupan

EDITOR’S NOTE: This is one of the works in a five-part series in line with the Dapitan 2017 theme “Paglisan” or Departure. All works that are part of the series are written by the Flame‘s Letters staffers.

Art by ZAPHYR CYBIL V. IRAL
Art by ZAPHYR CYBIL V. IRAL

UNA MO siyang nakita noong nasa ikatlong taon ka pa lamang ng elementarya sa inyong lakbay-aral habang papasok ang buong klase niyo sa isang hayupan, kung saan dinig mo mula sa labas ang huni ng iba’t ibang ibon, gayundin ang paminsan-minsang ungol ng mga unggoy at iba pang hayop na nakakulong rito.

Papalapit ka sa napinturahang pintuang-daan habang siya ay nakatayo sa tabi ng mga nagtitinda ng kendi at sigarilyo sa lansangan. Napansin mo ang heometrikong disenyong nakaburda sa dyaket niyang gawa sa abaka, at pantalong hanggang tuhod na kasimpula ng kaniyang turban. Batid mo ang tingin ng mga bisita at ang paminsan-minsang bulungan kasabay ang turo ng daliri sa direksyon ng binatang naka-pulang damit. Kasabay nito ang kaniyang tingin sa paligid na wari’y galing siya sa ibang lugar, tulad mo na galing sa ibang siyudad.

Pareho kayong nagmamasid—ikaw sa kaniyang kakaibang pananamit, at siya sa paligid na para bang alam niyang pinagmamasdan din siya nito, hanggang sa mapadapo ang naliligaw niyang mga mata sa mga mata mong interesado at nagtataka tulad ng ibang bisitang dumadaan. Sa paglagpas mo sa kaniya at pagtapak sa loob ng sementadong daanan ng lokal na hayupan, hindi mo batid ang pagkawalang-taros sa kaniyang mukha habang nanghihingi siya ng tulong gamit ang wikang hindi mo maintindihan.

Sunod mo siyang nakita matapos ang isang taon, sa parehong lugar sa labas ng hayupan habang kasama ang iyong mga magulang para sa inyong bakasyon. Suot niya pa rin ang pulang pantalon at turban tulad noong una mo siyang nakita. Nababalutan ng chalekong mistulang gawa sa kurtina ang kayumanggi niyang balat bilang pang-itaas na kasuotan. Napalilibutan siya ng maliliit na grupo ng mga bisitang nagtitipun-tipon upang panoorin ang sayaw niyang kadalasang gumagamit ng pagpadyak ng paa.

Lumapit ka sa kaniya at narinig ang tunog ng kamera ng ilan sa mga bisita. Nakita mo ang mga nakataas nilang gadget para makunan ng retrato o video ang sumasayaw na binata, habang ang iba nama’y naghulog ng barya sa telang nakalatag sa sahig sa harap niya. Hindi mo napansin na ito ang dyaket na dating suot niya, ang minsang makintab at magarbong telang ngayo’y puno ng mantsa at punit. Pumasok kang muli sa hayupan, at napansin ang pagkakapareho ng kuryusidad sa tingin ng mga baguhang bisita sa mga hayop sa tingin ng mga manonood ng binata.

Huli mo siyang nakita pagkatapos ng pitong taon. Nag-aaral ka na sa mataas na paaralan. Kasama mo ang iyong kasintahan, at malapit nang matapos ang hapon nang makarating kayo sa labas ng hayupan. Nakalimutan mo na ang binatang minsang naligaw at sumayaw rito.

Sabay kayong pumasok sa hayupan ng iyong kasintahan at sa inyong pagmamasid, napansin mo ang malaking pagbabago ng lugar kabilang na ang pagdagdag ng ibang hayop tulad ng nag-iisang agilang nasa loob ng mataas at maluwag na hawla. Iilan na lamang ang mga natitirang bisita sa hayupan, at habang nababawasan ang agwat sa pagitan mo at ng kulungan, alam mo nang walang ibang tao sa paligid ng kulungan bukod sa inyong magkasintahan. Narinig ng agila ang yabag ng inyong mga paa. Nakita mong tumingin ito sa direksyon mo, lumipad papunta sa malaking sanga ng puno sa kulungan at biglaang ipinarinig sa hayupan ang matinis nitong huni.

Hinila ka ng iyong kasintahan papalayo sa kulungan ng agilang patuloy pa ring humuhuni na para bang sumisigaw. “Masasanay rin ‘yan dito,” wika niya sayo bago kayo makarating sa kulungan ng mga pabong na-kondisyon nang ipakita ang makukulay nilang mga balahibo sa mga tagamasid nito. Matapos ang ilang oras, lumabas kayo sa pintuang-daang inyong pinasukan. Tumigil kayo sa isa sa mga tindahan sa may lansangan upang bumili ng kendi bago umuwi.

Doon mo napansin ang pamilyar na turban na nasa ulo ng tinderong nakaupo sa harap ng mesang puro kendi at sigarilyo. Suot niya ang isang t-shirt na libreng ipinamigay ng isang pulitiko bago ang nakaraang halalan. Sa pag-abot mo ng barya sa kaniya, batid mo ang mga mata niyang hindi na naliligaw, at napalitan na ng pagod at pagkasawa sa kaniyang ginagawa.

Habang naglalakad ka papalayo, naisip mo kung matutulad din ba ang agila sa binata sa labas ng hayupan—minsang naliligaw, pinagkaitan ng sariling tahanan, at na-pwersang manirahan hanggang sa mapagod at mayamot sa lugar na lagi silang ituturing na dayuhan. DIANNE ALYSSA A. AGUIRRE

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us