Dalaw

Art by DOLORES JANE C. PICA
Art by DOLORES JANE C. PICA

KUMUPAS NA ang lapida sa paglipas ng taon. Tuwing binibisita niya ang puntod ng kaniyang ama, inaalala niya kung paano siya nilisan nito. Kasabay ng paglapag ng bagong pitas na bulaklak, pilit ding itinataboy ng umiihip na hangin ang naglalagablab na apoy ng kandila.

Sa sandaling ito nahuhukay muli sa dibdib ang ikinubling sakit. Panandalian itong dadamdamin, at tsaka ibabaong pilit gamit ang pagtanggap. Ipipikit niya ang kaniyang mga mata, magdarasal, at muling mangangamusta sa amang pumanaw. Pagmulat ay masisilayan ang pangalang nakaukit sa kupas na semento. Ang nakalilok na petsa ng pagyao ay tanda sa salungat nilang tadhana na nagbubunga ng hinanakit, sapagkat ang ama niya ang unang saksi sa kaniyang kapanganakan, habang ang kinahinatna’y ang pagranas niya sa tahimik nitong paghayo.

Hahaplusin ng kaniyang mga palad ang bawat letrang nagsilbing tala sa buhay ng kaniyang ama. Nasa mga bulong ang pighati, ang pagsisisi, ang nakalipas na pagkukulang na hindi na kayang tubusin.  Marahan niyang isasalaysay ang  kaniyang mga narating sa buhay: mga pangarap na nakayanang ilipad.  Nasubaybayan mo kaya ito? Sa paggunita ng masasayang alaalang pinagsaluhan, ikinukubli ng kaniyang boses ang lunggati para sa matagal nang hindi nadadamang presensya. Mapapanatag lamang siya sa palagay ng kabilang buhay, ang pangakong inaasahan sa muling pagkikita.

Sa kabila nito ay may nakikinig, at tahimik na nagmamasid sa mapanglaw na hugis ng anak. Sa pag-ihip ng hangin ay napatigil ang anak sa pagsasalita. Hinipo ng amihan ang nanginginig na kamay; dinaplisan ang kumikirot na puso, at nahipan ang luha sa pinsgi na ngayo’y natuyo na. Sa pag-iisa ay tila parang may bumulong sa kaniyang tainga; mga katagang ‘di na inaasahang maririnig pa—Nandito pa rin ako.

Hindi man dama ang pagsubaybay tatangkain pa ring saluhin ang lungkot na dala-dala, ipakakalimot ang bigat ng nakaraan upang humupa ang hinaing nadarama. Ngunit titingin lamang ang anak sa malawak na langit, bitbit pa rin ang pagsamo. Kakapit siya sa lapida ng minamahal na may mithi sa hanging kalakip. Hanggang dito na muna ang ating pagkikita. KRIZIA MAICA G. MAGBITANG

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us