Gusto Kita With All My Hypothalamus: Minimithing Pagmamahal

By RAMON CHRISTIAN G. PLACIDO

Film still from Gusto Kita With All My Hypothalamus – Pista ng Pelikulang Pilipino

 

ANG PAGMAMAHAL ay isang konsepto na hindi madaling ipaliwanag. Bawat tao ay may iba’t ibang interpretasyon kung paano ipakita ang pag-ibig sa kapwa. May iba na ang hangad ay pangmatagalan na ibigan. Habang may iba na ang hanap ay pantawid uhaw lamang na relasyon. Ngunit paano makukuha ang minimithing pagmamahal kung ito’y nag-iisa lamang?

Mula sa direksyon at panulat ni Dwein Baltazar, ang Gusto Kita With All My Hypothalamus ay tumatalakay sa iba’t ibang klase ng pag-ibig. Ipinalabas ito noong 2018 at nanalo ng mga parangal kabilang ang Best Picture, Director, at Screenplay sa 67th Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards. Kasalukuyan itong ipinapalabas sa Pista ng Pelikulang Pilipino 2020.

Ang pelikula ay tungkol sa babaeng nagngangalang Aileen (Iana Bernardez) na laging napapadaan sa kalye ng Avenida, Rizal. Dito, naakit niya ang apat na kalalakihan na walang malalim na pagkakakilanlan sa kaniya. Silang apat ang personipikasyon ng apat na uri ng pagmamahal: Storge, Philia, Agape, at Eros. 

Ang una ay si Caloy (Nicco Manalo). Isang mahiyain na tagabenta ng damit sa Surplus. Hangad niya na mapasakanya si Aileen para makatakas sa mapait na pamumuhay sa siyudad. Pangalawa, si Obeng (Anthony Falcon), ang magnanakaw na nais magkaroon ng makakasama sa kaniyang pagkalumbay. Ang pangatlo naman ay si Alex (Dylan Ray Talon), isang estudyante na nakilala si Aileen sa pamamagitan ng pakikipag-mensahe sa selpon. Panghuli, si Lando (Soliman Cruz) isang may-ari ng tindahan ng elektronikong kagamitan. Kumpara sa ibang lalaki hanap niya kay Aileen ay ang panandaliang pag-ibig lamang na makakapagtanggal ng kaniyang uhaw sa katawan.

Binabalanse ng pelikula ang komedya at drama sa mga diyalogo ng mga karakter. Makikita ito sa eksena kung saan nakikipag biruan si Winston (Nestor Abrogena Jr.) habang seryosong nakikipag usap si Caloy. Maayos din na ipinakilala ang bawat tauhan at agad kumonekta ang mga karakter sa mga manonood. 

Halimbawa nito ay ang pagpapakilala kay Aileen gamit ang paggalaw ng kamera sa pisikal na katangian niya. Mahihinuha sa kuhang iyon ang kaniyang natatanging niyang deskripsyon: makakapag-akit ng sino mang makakasalubong niya.

Samantala, epektibo ang paggamit ng simbolismo sa bawat imahe. Makikita ito sa pagbigay ni Caloy ng puting damit para kay Aileen. Ipinapahiwatig ni Caloy na puro ang pagmamahal niya ngunit dulot sa kaniyang kahihiyan, hindi niya ito masabi sa harap ni Aileen

Pagdating sa mga karakter na ginampanan niya, si Iana Bernardez ang nagdala ng buong pelikula. Mahusay niyang pinakita ang mga nakakaakit na karakteristik ng tauhan sa mga nakakasama niya sa eksena. Halimbawa ay ang eksena kung saan nag-inuman sila ni Alex sa bangketa upang kilalanin ang isa’t isa.

Isa pang nakakaantig ng pansin sa pag-arte ay si Nicco Manalo bilang Caloy. Makatotohanan niyang pinakita ang pakiramdam ng pagkamahiyain ng isang tao sa kanyang iniibig. Makikita ito sa eksenang nerbyosong nilapitan ni Caloy si Aileen para pagsilbihan niya sa pamimili ng mga damit. 

Makatotohanan din na ginampanan ni Anthony Falcon kung saan pinaramdam niya ang kalungkutan ng kanyang karakter sa pamamagitan ng mga aksyon ng kanyang katawan. Makikita ito sa kanyang eksena kung saan nagnakaw siya ng isang mannequin para lang mabigyang personipikasyon si Aileen.

Film still from Gusto Kita With All My Hypothalamus – Pista ng Pelikulang Pilipino

Gayunpaman, mabagal mailahad ng pelikula ang puntong nais ipahiwatig. Masyadong binigyang pansin ang tambalan nila Caloy at Aileen na para bang napag-iwanan na ang relasyon ng ibang karakter sa kaniya. Hindi pantay ang pagkakabuo ng relasyon ni Aileen sa tatlo pang tauhan na nagreresulta sa kakulangan sa pag-unlad ng kanilang mga karakter.

Kulang ito ng iskor upang maramdaman ng mga manonood ang emosyon na nararamdaman ng bawat karakter. Isang eksena na kinakailangan nito ay ang pagpapakita ng kinalalagyan ni Obeng sa taas ng isang establisyemento sa Avenida. Sa pamamagitan ng musika, mas mabibigyang diin ang mga eksena na nagpapakita ng sitwasyon ng bawat tauhan sa pelikula.

Sa kabilang dako, wastong kinuhanan ang bawat imahe dahil sa husay ng direksyon sa sinematograpiya. Ang kalakhang Maynila ay naging tauhan ng kwento dahil sa kulay na inilabas sa bawat eksena. Makahulugan ang mga kahel ng larawan na nagpapakita ng karaniwang buhay sa sentral na kalakaran ng Avenida. Samantalang, ang pula at lila naman sa isang ang nagbibigay simbolo sa mga maduduming negosyo sa kabilugan ng gabi. 

Bilang konklusyon ang pagmamahal ay isang ilusyon na maaari mawala sa isang iglap. Hindi makakamit ng isang tao ang perpektong pag-ibig na kaniyang inaasam. Kaya huwag ibase sa ideyal na mga katangian sa taong bibigyan ng pagmamahal. Darating din ang panahon na makikilala rin ang pag-ibig na minimithi. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us