ANDREI JOSEPH DURAN/ The Flame
Nababalot ng gulo ang gusali. Nadidinig sa bawat sulok ang nakakarinding ingay ng bawat tao na nag-aaligaga para magbigay serbisyo. Inulan na ng pawis si Dina dahil sa pabalik-balik niya sa bawat kwarto ng ospital.
Dali-daling inalis ni Dina ang mga balot sa katawan at dinampian ng maligamgam na tubig. Nang matapos maginhawaan, agad binalot sa kaniyang katawan ang komportableng kamiseta at pantalon.
Nagpaalam siya sa mga kasamahan na lalabas na siya para mamili. Pagkalabas sa gusali, bumungad sa kaniya ang mga busina sa kalsada. Bawat hakbang ay napapansin niya ang pag-aaligaga ng masa sa paghahanda sa pagdako ng bagong taon. Pagkarating sa kaniyang destinasyon, bilang na lamang ang nakikita niyang namimili.
Agad siyang nagpahid ng alkohol sa kaniyang palad bago kumuha ng basket. Pinuno niya ito ng mga rekado para sa simpleng kasiyahan. Sa pagkuha niya ngtomato sauce , napadpad sa isipan ang kaniyang anak na giliw kung tumulong magluto ng paboritong spaghetti. Matapos ito, agad niyang sinuong ang maikling pila sa kahera.
Lumabas siya ng merkado at mabigat pa rin ang daloy ng trapiko papunta sa kaniyang pinanggalingan. Kaya ikinaway niya ang kaniyang kamay sa ere nang makatawag ng pansin sa mga padyak.
Nang makarating, mainit na sinalubong si Dina ng kaniyang mga kasamahan. Kapit bisig silang naghanda ng munting salo-salo. Pinaghahanda ng mga nars ang mga aparato sa ligaya at lungkot.
Bago mapadpad ang oras sa kabilang dako ng taon, yumanig ang telepono ni Dina. Nang nabuksan ay bumungad sa kaniya ang mga matatamis na ngiti ng kaniyang naiwan sa munting tahanan. Kahit sa selpon lamang ang kanilang pagitan, kumukurot pa rin sa kaniyang puso ang kanilang pag-alala sa kaniya.
Lahat ng dugo at pawis na sinasakripisyo ay napawi ng kaginhawaan nang makita silang nagdidiwang ng matiwasay. F RAMON CHRISTIAN G. PLACIDO