Nakatago mula sa mundo ang baguhan nito.
Niyayakap siya ng mga pader at bawat sulok,
nililibang ng pelikulang laman ng bintana,
at sinasamahan ng kaniyang anino sa silid.
Kaya itataklob ang panyo sa mukha,
pipihitin niya ang busol ng pinto,
at lalaya.
Nasa sulok siya ng mga nakatatandang mata.
Nagmamasid ang mga sa bangketa nagtitipon,
umiiling ang lupon sa hapag ng karinderya,
at kumukunot ang mga noo ng bawat saksi.
Ngunit nasayang ang mga bala sa walang malay,
tinataboy ng sariling mga matang may kinang
at may ngiti.
Sapagkat bisig ng araw ang yumayapos sa balat,
at kasalukuyang gumaganap sa sariling serye.
Hindi maubos ng paa ang sahig,
may kaagapay at katunggali,
at dalisay ang tawanan.
Subalit walang takas sa taning nitong ligaya.
Wala sa kaniya ang preno ng puting sasakyan,
kalakip ang mga taong may dalang mikropono,
hatid sa kaniya ang pagtatanghal na may sindak.
Kaya lulunukin muna ang natitirang galak,
saka kakaladkarin ang mga paa pabalik
sa bilanggo. F FATIMA B. BADURIA