Sa Wakas

RAINIEL ANGELYN FIGUEROA/The Flame

Sa wakas, matatapos ang mahabang araw kasama ang umaalab na langit. Nagliliyab ang mamula-mulang ulap ngunit hindi ito repleksyon ng dapithapon; sadyang pinapangatawan lamang nito ang mga dugong dumaloy sa lupa. 

Umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng mga baril, at mula rito, sabay-sabay lumipad ang mga ibon— walang iniwan kung ‘di ang mga anino lamang. Paparating na nga ang pagkagat ng dilim at maglilihis ang mga anino.

Sa haba ng mga araw at ang taon, naging danaw na ang luhang dumanak mula sa malulungkot na mga mata. Hindi na ito nakayanang higupin ng lupa ang tubig, samantalang dugo at bangkay ang kasama nito sa taong ito. Sa bagay, kasinghaba ng isang taon ang mga araw ngayon. 

Sa bandang huli, hindi kawangis ng dapithapon ang pagtatapos ng pait sa mahabang araw. Ang ibig sabihin nito ay bagong simula; umpisa pa lang ito ng kadiliman.

Hindi pa tapos ang lahat, ika ng mga bulong. Patuloy pa rin ang alingawngaw ng pagputok ng mga baril at tuluyang lilisan ang mga ibon.

Matatapos din ang dapithapon at gabi, at lilitaw ang sinag ng pagbubukang-liwayway. Maliwanag na at wala nang anino ang maitatago. Darating din ang oras upang angkinin ang pananagutan sa mga umaklas ng karimlan sa gabi. Walang patawad. Walang habag. PATRICK V. MIGUEL

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us