Walang espasyo ang liwanag sa taimtim kong buhay na matagal nang pinalilibutan ng mga saradong bintana. Dilim at tahimik lang ang nais kong kasama, kaya’t matagal na akong lumalayo sa durungawan.
Labis na lamang ang pagtindi ng aking pag-iwas nang makarinig ng isang pagaw na boses galing sa kabila ng bintana. Hindi gustong lumapit, ako’y tumalima sa tunog na tila nangyayakag.
Pagkabukas ko’y nasilayan ang babaeng hindi umiimik, ngunit bukas ang bunganga. Dilat ang mga matang dinaig pa ang kadiliman, at may ngiting tila nakapanunuya. Sa pagkalito, paulit-ulit kong pinagbubukas-sara ang bintana, nagbabakasakaling siya’y mawala. Ngunit, siya’y nanatili.
Istorbo!
Isinara ko nang mahigpit ang durungawan at nangako sa sariling dumistansya. Unti-unti akong nilamon ng pagkabagabag. Kunot ang noo sa kakaisip, paikot-ikot kong nilakad ang mga espasyong malayo sa hindi inaasahang bisita. Hindi maalis-alis sa aking isipan ang naka-imprentang imahe ng imbyernang entidad.
Hangad ko lamang ay muling mapag-isa!
Bumigat ang nararamdaman kong pagkabalisang nahaluan na ng takot. Sa aking patuloy na pag-iikot, muli kong narinig ang boses na may halong galak nang ako’y natapilok sa dilim.
Siya ba’y nalulugod sa aking pagdurusa?
Tikom ang palad, nanginginig kong hinakbang ang kaniyang kinaroroonan at bumulyaw. Humahangos, marahan kong binuksan ang bintana. Aking nasilayan ang bakanteng espasyo sa pwesto ng naglahong babae. Sa laking pagtataka, dali-dali kong binuksan ang lahat ng bintana, maging ang pinto.
Walang pa ring bumungad. Sa halip, ako’y sinalubong ng matagumpay na pagdaplis ng init at sinag ng araw. F TAFFY ARELLA M. BERNALES