By RAMON CHRISTIAN G. PLACIDO
Editor’s Note: This piece is one of the works in a six-part series in line with the Dapitan 2021 theme Captured. All works are written by the Flame‘s Letters staffers.
Pagkamulat ni Liwanag, kumawala siya kaagad sa rehas ng kama upang umpisahan ang umaga. Inihanda niya ang mga kasuotan sa sala habang isinalang ang kanin sa elektronikong lutuan. Matapos ang paghahanda, dumiretso siya sa banyo at napatalon ng humaplos sa balat ang malamig na tubig. Pinatuyo niya ang katawan matapos nang mahabang pagbabad sa tubig. Madaling lumusot ang plantsadong uniporme sa katawan. Napansin ni Liwanag na hindi pa nasasagutan ang papeles para sa mga residente ng barangay na nakatira sa dormitoryo. Ngunit ipinaglaban niya ang pagsagot nito upang hindi mahuli sa klase.
Kumukulo ang kaniyang tiyan kaya kumuha na siya ng isang de lata at bundok ng kanin. Nang magkaroon ng laman ang tiyan, nilinis niya ang baho ng bunganga. Pinuno niya ng palamuti ang buong mukha at binanlawan ang buong katawan ng pabangong rosas bago ito tumapak palabas ng silid.
Buong araw lang nakatingin sa mga salita at sulat ng bawat guro sa harapan. Lahat ng kanilang itinuturo ay hindi pumapasok sa isipan. Lumipas ang siyam na oras ng mga diskurso sa klase, agad na pumasok sa silid ang guwardiya.
“Excuse po mga ma’am at mga sir, baba na agad po kayo ng gusali. Mag-lolockdown na po ang buong campus,” sigaw ng guwardiya.
Pinalilibutan ng ingay ang buong pasilyo. Dinumog ng tao ang dalawang elebador ng palapag sa mabisang pagbabakante ng mga guwardiya. Kaya bumaba na lang si Liwanag tungo sa hagdanan. Nagsasama ang bigat ng tapak ng mga sapatos at mga usapan ng bawat grupo ng tao sa kanilang pagbaba. Halos lahat ng kasabay ni Liwanag ay humahalakhak sa mga biruan nila sa kanilang sitwasyon.
Nang makatapak sa labas ng gusali, dama sa hangin ang mga pangamba ng bawat tao sa biglaang pangyayari. Binabalot ng takot ang bawat nakakasalubong ni Liwanag sa balitang sinakop na ng misteryosong sakit na dahan-dahang pumapatay sa bansa. Ngunit hindi tumatagos sa puso niya ang mga balita ukol dito. Wala siyang panahon para dalhin ang problemang hindi nakakaapekto sa buhay niya.
Pagkauwi sa munting parisukat, hinagis ni Liwanag ang mga gamit sa sofa. Agad siyang dumiretso sa kama para mabuwag ang pakiramdam sa bigat na dala. Sa tagal ng pagmumuni-muni sa kama, banayad na bumagsak ang mga mata.
Kinabukasan, mabigat na sinalubong ni Liwanag ang umaga dahil sa nakakarinding tunog ng sirena sa labas. Tumayo siya sa kama at hinalughog ang buong kanto ng sopa para sa remote ng telebisyon. Nang binuksan ito, nakatawag pansin ang isang anunsyo sa balita.
“Ipinatupad ngayong araw ang lockdown sa buong siyudad dahil sa patuloy na pagdami ng nahawa sa misteryosong sakit,” wika ng nagbabalita.
Pinatay niya ang telebisyon sabay kuha sa kaniyang selpon. Habang nagbababad sa mga bidyo ng pagpapaganda, nakatanggap si Liwanag ng mensahe mula sa klase.
“Announcement po mag-reresume through Google Meet ‘yung klase simula sa Lunes,” anunsyo ng kanilang presidente.”
Naistorbo siya sa panonood kaya pinatahimik niya ang mga mensahe mula sa aplikasyon. Itinuloy niya ang pananatiling blangko sa bidyong sinusubaybayan.
Makalipas ang dalawang araw ng pag-aliw sa mga pinag-uusapang serye, hinanda ni Liwanag ang kaniyang sarili para makapasok sa birtwal na klase. Pumunta siya sa ipinaskil na link na iniwan ng kanilang presidente. Siyam na oras na tinutusok ng katingkaran ng iskrin ang ulo niya. Hindi niya mabakas sa isipan ang lahat ng pinapagawa sa eskwelahan.
Kaya agad siyang nagpunta sa kusina para maibsan ang tuyo niyang enerhiya. Subalit, bilang na lamang ang naimbak niyang pagkain. Samakatuwid, binalot niya ang sarili para makalabas papunta sa pamilihan. Mahigpit na tinakpan ang bibig ng manipis na panyo para hindi makalanghap ng misteryosong sakit.
Nang papalabas na siya sa pinto, napansin na ang pintuan niya lamang ang walang kahon. Ininspeksyon niya ang isang kahon at namataan niyang nakasulat na pangalan sa ibabaw nito. Habang inaalog niya ang laman ng kahon, biglang napatalon ang puso niya nang may tumawag sa kanyang atensyon.
“Ay ineng huwag mo pakialaman yan sa mga nakalistang residente yan ng barangay,” sigaw ng kaniyang kasero. “At bawal nang lumabas may ordinansa na yan mula sa barangay,” dagdag niya.
Dismayadong pumasok ng silid si Liwanag. Nagtutubig ang mata sa mga kapalarang hinaharap niya. Matapos niyang maibsan ang kanyang sikmura, pinili na lamang niyang kumawala sa kasalukuyang araw.
Ilang linggo ang dumaan, lugmok si Liwanag sa kinalalagyan niya. Hindi niya na ramdam ang pagtakbo ng oras sa kamalayan. Napupundi na siya sa bigat ng tambak na gawain na pinapasan niyang mag-isa. Ang bawat espasyo ay okupado ng mga gamit na kumakahon sa kanya. Katiting na lang ng kanin ang pilit niyang pinapasok sa sikmura.
Bigla binasag ang katahimikan mula sa selpon. Wala na siya sa diwa para tignan kung sino ang tumatawag sa kanya.
“Hello, tulong…,” bahagyang pagsumbat sa kanyang kausap.
Binabalot ng kadiliman ang paligid ni Liwanag. Halos lamig ang yumayakap sa buong katawan. Gumagapang na lamang siya patungo sa huling hininga. F.