By FATIMA B. BADURIA
Editor’s Note: This piece is one of the works in a six-part series in line with the Dapitan 2021 theme Captured. All works are written by the Flame‘s Letters staffers.
“Huli ka!” Narinig ko ang pilyo at malisyosong tinig malapit sa aking tainga ngunit, hindi ko mabatid ang may-ari. Kasabay nito ang mahigpit na pagpisil sa aking galanggalangan. Hindi ko pa rin makita ang may sala. Pinilit kong hilahin ang aking mga braso pero walang bisa.
Tulad ng inaasahan, mabilis akong kinaladkad.
Alam ko na ang mapait na paroroonan ngunit hindi mapigilan ang pagtungo dito. Ipininta ng isip ang larawan nito, binuo lamang sa mga sabi-sabi. Subalit, tila mapatutunayang totoo ito.
Habang papalapit nang papalapit, lalong kumakapal ang karimlan. Hindi nagtagal, wala nang makita sa paligid.
Huminto ang paghila sa aking katawan. Walang duda na ito na ang kampo ng kalaban.
Bigla akong nanghina. May bumalot na sakit sa aking buong katawan, pumiga sa aking lakas at inangkin ito. Hindi makalaban ang aking mga kamay at paa, maging ang isipan. Kung may makatutulong man, ibang kamay ang makagagawa nito. Sa ngayon, boses lang ang aking armas.
“Tulong!” Nilakasan ko ang sigaw pero tila kawalan lang ang sumalo dito.
Aandap-andap ang katiting na pag-asa. Patuloy na bumigat ang pagsisising bumunton sa dibdib, kasabay ang pagdapo ng mga alaala.
Nagsimula ang lahat sa isang hakbang.
Matagal na akong nananatili sa aming kampo, ang natatanging ligtas na lugar. Sa linyang hangganan nito nakapirmi ang mga nakaputing tagapagtanggol. Ang iba sa kanila ay tumatakbo palabas, sumasagip sa mga nahuli.
Sa bandang likuran naman, malayo sa linya, naroon ang tunay na haligi ng kampo. Nakaluklok siya sa isang matayog na upuan, tinitingalaan sa kataasan. Mula roon, nakapagmamasid siya sa paligid. Ngunit hindi siya ang nakapupukaw ng pansin kung hindi ang kamangha-manghang sandatang kaniyang angkin.
Nakapaloob sa kaniyang kamay ang kumikinang na espada. May hiwagang bitbit ang patalim na naglalabas ng natatanging puting liwanag. Ito ang pinakamakapangyarihang sandata sa kampo. Ipinagdiriwang na ito ang wawakas sa labanan at susupil sa kasamaang nasa kabilang kampo.
Subalit sa paglipas ng panahon, lalong hindi matanaw ang katapusan ng laban. Karamihan sa mga nakaputing taauhan sa loob at labas ng linya ay lupaypay na sa pagod.
Sa tagal din na pamamalagi sa kampo, hindi ko natuloy ang trabahong paglilinis sa paaralan.
Hindi iyon nakapaloob sa linya, katulad ng karamihang establisyemento.
Dumating ang araw na kinailangang bawasan ang hinahain sa hapag. Lumigid sa isipan ang pangangailangan ng hanapbuhay. Maraming oportunidad, ngunit hindi rito.
Sa araw ring iyon, isinagawa ko ang unang paghakbang papalapit sa linya. Subalit, natigil ito sa isang hakbang. Hindi pa ako handa.
Kinalaunan, naubos ang bigas kahit ito ay tinipid. Itinuloy ng aking mga talampakan ang noon ay naudlot. Pagtingin ko sa harap, isang metro na lang ang layo ko sa linya. Ligtas pa sa puwestong ito.
Hindi nagtagal, wala nang makitang salapi sa pitaka.
Inubos ng tatlong hakbang ang distansya. Sa panghuling hakbang, natunton ko ang espasyo sa labas ng kampo at sa oras ding iyon ay naging bihag.
Patuloy na inaagaw ang natitirang lakas sa aking katawan. Ang kaninang pagsigaw ay isinuko ko na. Wala nang kabuluhan.
Nagbabalang pumikit ang aking mga mata ngunit bago tuluyang tumalima, binaling ko ang tingin sa direksyon ng aming kampo. Sa malayo, bahagyang nabatid ang isang kilalang liwanag. Parang bituin ito sa gitna ng kadiliman ngunit hindi maitatanggi na ito ang liwanag ng mahiwagang espada.
Kung noon ay may dalang pag-asa ang tanawin, ngayon ay poot na lang natanggap.
Lumalabo na ang aking paningin nang biglang tumindi ang nakikitang liwanag. Tila palapit nang palapit ang puting ilaw at sa isang sandali pa ay matuling lumagaslas sa hangin.
Biglang nawala ang kapaguran. Kasunod nito ang mabilis na pagsisid ng lakas sa aking katawan.
May mukhang bumaling sa aking paningin, subalit hindi ito ang kilalang nasa mataas na upuan. Puti ang kaniyang garbo at masidhi ang kaniyang tingin sa aking mata.
“Kaya mo bang tumayo?” Tanong niya sa akin na agad kong tinanguan. “Kailangan nating magmadali pabalik.”
Walang oras na sinayang ang aking mga binti at gayon din ang kaniya. Kagyat na kumaripas ng takbo ang dalawang pares ng paang nananabik umuwi.
Sinalubong kami ng preskong hangin. Kasabay nito ang unti-unting paggapang ng liwanag, inaagawan ng dahas ang kadilimang nasa likuran.
Maya-maya pa ay natanaw na rin sa wakas ang linya. Nakita ko na ang mga tauhang nag-aabang sa bungad. Maski sa malayo, halatang matingkad ang kanilang puting garbo sa ilalim ng araw. Lalong bumilis ang galaw ng aking mga paa.
Subalit sa huling metrong distansya, biglang bumaling sa isip ang pag-aalangan. Bumagal ang aking takbo at kinalaunan ay tumigil.
Nanumbalik ang suliraning matagal nang umaaligid at ngayon ay kaharap na. Ito ang hamong tumulak sa akin palabas at muling nag-uudyok na manatili sa kinalalagyan.
Bagamat hindi pa tiyak, may tumulak sa aking likod. Ilang segundong lumipad paharap ang aking katawan, maingat na dinadala ng hangin. Nang sunod na umapak ang aking paa sa lapag ay sa loob na ng aming kampo.
Nilingon ko ang likuran. Inasahan kong makita ang mukhang kanina ay bahagya lamang nasulyapan pero hindi ito nahanap. Walang sumunod na mga yapak sa pagpasok ng kampo.
Hindi ko namalayan ang pagbigay ng aking binti. Umagos muli ang pagod sa aking katawan, kasabay ng mga luha sa aking pisngi. Subalit, hindi ko lubos na maintindihan ang damdamin.
Takot? Makapangyarihan ang mga hindi nakikitang nilalang ngunit natakasan na ito at malayo na ako sa panganib.
Saya? Sa pag-uwi ay napasaakin ulit ang buhay, subalit kagaya lamang ng dati.
Galit?
Mula sa aking puwesto, natanaw ko ang mga taong katulad ko. Isinisagawa nila ang sari-sariling hakbang nang may kani-kanilang dahilan.
Nabatid ko rin ang mga tauhang nakaputing gayak na maliksing nagsisitakbuhan. Ang iba, kahit namamahinga ay matikas ang tindig. Subalit malinaw ang mga linya sa ilalim ng kanilang mga mata, gayon din ang pawis na tagaktak sa kanilang mukha.
Sa malayong banda naman, tanaw rin ang kinang ng espada.
Bigla akong nanghina. May bumabalot na sakit sa aking buong katawan, pinipiga ang aking lakas at inaangkin ito. Hindi makalaban ang aking mga kamay at paa, maging ang isipan. Kung may makatutulong man, ibang kamay ang makagagawa nito. Sa ngayon, boses lang ang aking armas.“Tulong!” Sinigaw kong nakatingala, umaasang aabot sa malayo. F