Minsan kong nasilayan ang madlang yumapak
Sa mabatong daan na saksi ng kasaysayan.
Magkakaiba ang mukha.
Magkakatulad ang mithiin.
Lahat ay binubuhay ng kanilang mga hangarin.
Kay raming beses ko na silang nasamahan
Sa kasiyahan man o kalungkutan
Habang nakikisilong sa aking mga sanga,
Samu’t saring istorya ang dala-dala.
Lahat ay nagpapatuloy sa pagtahak sa kapalaran,
Habang ang paghihirap ng araw-araw ay iniinda.
Ngayon ang mabatong daan ay wala ng laman,
Katahimikan lamang ang naiwan.
Kasabay ng bulong ng panahong nakalipas;
Mga sandaling nakamit na ang wakas.
Kung may dumaan man ay bihira ito.
Takip ang ilong at bibig habang pumaparito.
May bahid ng lungkot sa mga mata,
Dala ang mga ala-alang nakalipas na.
Nais ko man silang masilayan muli.
May mapait na luha man,
O matamis na ngiti.
Marinig ang kanilang mga storya ng tuwa o pighati,
Ako’y walang magagawa kundi tumayo at pagmasdan,
Ang katahimikan ng daanang walang laman. F ABIGAIL M. ADRIATICO
[…] Bulong ng kahapon, pait ng nakaraan,Bawat alaala, sakit ay binabalik-balikan.Sa hagod ng mga alaala, kirot ay bumabalot,Bawat pintig, puso’y patuloy na nagdurusa. […]