Tawid Dagat

RAINIEL ANGELYN FIGUEROA/The Flame

Hinayaan kong lamunin ng unang daluyong ng alon ang ibabang parte ng aking katawan. Ang buhangin na tumutusok sa aking mga talampakan ang nag-alis ng pamimitig sa aking mga binti.

Isang mahabang hininga ang aking pinakawalan.

Bumulabog sa aking malalim na gunam-gunam ang malalakas na putak ng mga tagak. Sa aking kaliwa ay mayroong kawan ng mga tagak na hindi mapakali, panay ang kanilang pag-huni. 

Ngunit may isa na hindi gumalaw ang tuka. Panatag itong naka-tirik sa mga batuhan. Ang kaniyang mga maiitim na butil ng mata ay tumagos sa aking kaluluwa. Ibinuka nito ang kaniyang mapuputing pakpak at dumapo sa aking kawayang balsa. 

Tinitigan ako nito ng mariin. At sa kaniyang pagtitig, ako ay naligalig. Tinaas ko ang aking kamay upang ito ay bugawin ngunit ako ay napatigil.

Nakita ko ang aking palad na bordado ng bughaw at pulamarka ng mga araw at buwan na lumipas simula noong ako ay napadpad sa islang ito.

Mahigpit akong kumapit sa tali ng balsang gawa sa lumang kawayan. Ilang araw ang binuyo ko sa pagbuo nito, ngunit kung kailan ako ay narito na sa dalampasigan, ang takot na makita kung ano ang nasa kabila ng bahura ay nananaig. Napukaw muli ng tagak ang aking atensyon. Nilisan ako ng kaniyang paningin at tinutok ito sa aming harapan.

Hilaga; kung saan nagtagpo ang langit at dagat. Muling natagpuan ng aking kamay ang tali ng balsa at pinulupot ko ito sa aking mga daliri. Ako ay lalayag na. DAWN DANIELLE D. SOLANO

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us