Hirap na hirap si Aida sa pagtulak ng kaniyang shopping cart patungo sa Aisle #5. Kalahating oras na lamang ang natitira bago matapos ang kaniyang shift at naatasan siyang mag-restock ng ilang produkto. Nagpaparamdam na ang sakit ng katawan ngunit pinapaalala na lamang niya ang oras sa sarili upang siya ay ganahan.
Wala siyang nakasalubong na mamimili kaya’t dumiretso na siya sa pwesto ng mga instant noodles. Pagdating doon ay agad niyang sinimulan ang pagsalansan sa mga ito.
Hindi pa niya natatapos ang kaniyang ginagawa nang nakarinig siya ng malakas na pagbagsak ng mga lata sa sahig. Paglingon niya sa pinanggalingan ng tunog, namataan niya ang isang babaeng nagpupulot ng mga nahulog na lata. Agad niya itong nilapitan. Tutulong na sana siya sa pagbalik ng mga lata sa kanilang pinaglagyan ngunit pinigilan siya ng babae, “Ate, kukunin ko ang mga iyan.”
Kinuha ng babae ang mga latang hawak niya at nilagay ito sa kaniyang shopping cart. Doon lamang napansin ni Aida ang tinutulak na cart ng babae. Punong-puno ito ng mga sari-saring klase ng pagkain na para bang magpapakain sa isang barangay. Hindi niya napigilang magtaka kung bakit napakarami ng pinamimili ng babae. Huli siyang nakakita ng ganito noong nag-panic buying ang mga tao, isang taon na ang nakalilipas. Buong akala niya ay hindi na iyon mauulit.
Napansin ng babae ang pagtataka sa kaniyang mukha kaya’t nginitian siya nito at ipinaliwanag ang mungkahi nilang magkakaibigan na gumawa ng sariling community pantry. Nang tanungin ni Aida kung bakit naisipan nilang gawin ito, napatigil siya sa paglalagay ng pagkain sa shopping cart at tumingin lamang sa kaniyang hawak, “Sino na lamang ba ang maaasahan mo sa pagtulong kung hindi tayo-tayo lang din.”
Nang matapos ang babae sa pagkuha ng pagkain ay nagpasalamat siya kay Aida bago tuluyang umalis, pursigidong tinutulak ang kaniyang mabigat na shopping cart. F ABIGAIL M. ADRIATICO