Minasdang mabuti ni Mang Kaloy ang kabuuan ng kaniyang bagong dyip. Ang kaniyang mga mata ay gumala mula sa mga makikintab na gulong tungo sa bakal na barandilya nito.
Huminga ang matandang tsuper sa kamanghaan. Dalawampu’t limang taon siyang namuhay sa pagba-boundary, ngayon ay nakangising hinihimas ang taklob ng makina ng naipundar niyang dyip.
Kailangang matuyo ang pintura bago matapos araw dahil bukas ay araw ng pamamasada. Makikita ang pagsayaw ng mga kulay ng kanyang dyip sa gitna ng kalsada.
Bughaw na kasing tingkad ng kalangitan, kasing linis ng tubig ng isang tagong batis. Ngunit, para kay Mang Kaloy, ang bughaw na ito ay tumatayong paalala sa kaniya ng lahat ng ipinawis niya sa pagkayod.
Pula na kasing tapang ng araw sa dapit-hapon, kasing lapot ng dugong dumanak mula sa kaniyang mga kalyadong buko ng daliri.
Dilaw na kasing liwanag ng buwan sa paghahati ng gabi at umaga; ang natatanging kasama ng matandang tsuper sa alas-kwatro na pamamasada.
Sa muntik na niyang malimutan ang isang detalye, siya ay naphinto. Muling inabot ng matanda ang pinsel at isinawsaw ito sa puting pintura.
Puti na kasing kapal ng mga ulap, mapa-araw o ulan. Mga ulap na nagsilbing lilim sa mainit na kalsada, panahon, at tuyot na pag-asa.
Gamit ang hintuturo ay pinakiramdaman niya ang natutuyong pintura. Marahan siyang tumango-tango, bakas ng pagkatuwa sa kanyang sarili.
“Sa wakas,” bulong nito sa hangin. F – Dawn Danielle Solano