Pasado na ang hatinggabi, ngunit sumisiklab ang apoy ng nakasinding lampara. Nagsikalat ang mga perganimong papel at libro sa aking lamesa.
Madilim, mainit, mainip, subalit may kailangang tapusin.
Magaan man ang pluma sa aking kamay, pero mabigat ang pagod at antok sa aking mga mata. Kasabay ng tintang patuloy na umaagos ang mga palaisipang unti-unting patungo sa panaginip. Ako ay tinangay ng kaharian ng pantasya.
Biglang sumuko ang mga matang nagsumikap mag-aral hanggang umaga. Huminto ang kamay na magsulat hanggang mahati ang tinta. Ang hangarin ng buong gabi ay biglang naging panaginip na lang.
Nakaranas ako ng panibagong mundo. Natagpuan kong tapos na ako sa aking ginagawa. Bawat titik at salita na nais kong isulat ay nasa papel na. Bawat libro at artikulong nais kong aralin, lahat naiintindihan ko na. Handa na akong yumapak sa bagong hakbang na aking hinaharap.
Aking tinanaw ang mga pangarap kong na sa panaginip lang muna. At dahil dito, biglang dumaloy ang laway mula sa aking mga labi. Hanggang nasindak ang aking kaluluwa sa isang malakas na tunog.
Bukang liwayway na. Unti-unting nagising ang aking diwa mula sa pagpapahinga, at aking iminulat ang aking mga mata. Naging ballpen na ang aking pluma. Mayroong laptop at printed handouts sa ibabaw ng lamesang plastik. Pinindot ko ang off button ng alarm sa screen ng cellphone.
Buntong hininga akong tumayo. Sa totoo lang, gusto ko pang managinip. F CZERIZHA KAIZEL S. ADZUARA