Mga larawang abot-tanaw

By DAWN DANIELLE D. SOLANO

Artwork by LORRAINE C. SUAREZ/THE FLAME

 

Editor’s Note: This piece is one of the works in a four-part series in line with the Dapitan 2022 theme Hintayan. All works are written by The Flame‘s Letters staffers.

 

Sa Isla, kapayapaan ang nananaig. Mula sa pagsikat ng Araw hanggang sa paglubog nito, iisa ang larawang naipipinta sa mga mata ng mga naninirahan dito—kaligtasan.

Kung tutuusin, wala nang mahihiling pa si Ayla kundi ang manatili sa Isla. Lahat ng kaniyang pangangailangan ay narito na, kumpleto at sapat. 

Ngunit tuwing dumarating ang Bangka mula sa Kagiliran, lumiliit ang Isla. Umuurong ang dalampasigan; ang abot nito ay umiikli. Lumalayo ang kalangitan at lumalabo ang dakilang Araw.

Tinanaw ni Ayla ang paparating na bangka, at tumalon sa tuwa ang puso niya.

Binugahan niya ng hangin ang mga hibla ng buhok na dumikit sa kaniyang pisngi. Maghapon na siyang naka-dantay, inaabangan ang maliit na bangka na dumaong sa mapuputing buhangin ng kanilang isla. 

Ito ay hindi isang pangkaraniwang bangka. Naiiba ito sa mga sasakyang-dagat na kinalakihan ni Ayla sa kanilang Isla. Ang katawan nito ay gawa sa matitibay na kahoy ng narra. Matitingkad na puti ang mga palo nito. 

Higit sa lahat, ito ay walang tagaugit. Dumarating ito sa mga munting oras ng takipsilim, dala-dala ang mga litrato na mula sa upuan ng Araw.  

Noong nakaraang linggo lamang ay baon nito ang mga uri ng bulaklak at paruparo na hindi naninirahan sa Isla. Kahapon naman ay may dala itong mga kuha ng mga taong hindi pa niya nakikita sa tala ng kaniyang buhay. Mayroong mga matayog na gusali na gawa sa bakal, bato, at pinong buhangin. 

Kumukuha si Ayla ng isa o tatlong litrato mula sa Bangka, at mag-aabang sa susunod nitong pagbisita sa kaniya. Nakabisado niya ang bilang ng araw at bilang ng bituin kung kailan paparito ang Bangka at nananabik siya sa bawat dalaw nito. 

Kumaripas ng takbo ang dalagita nang makita itong dumaong. Sabay sa alon, mabibigat at malalakas ang pintig ng kaniyang puso. 

Ngunit, kung gaano kataas ang inilipad ng kaniyang ligaya ganoon rin katindi ang pagsadsad nito nang madatnan niyang walang laman ang Bangka. 

Marahan niyang nilapitan ito at sinisayat ang bawat sulok nito, nagbabakasakali na may itinatago ito na hindi nakikita ng mata. 

Nilapat niya ang kaniyang mga kamay sa katawan ng Bangka, at mahinahong hinimas ang tela ng palo. 

Sa lahat ng dalaw nito, ngayon lamang dumapo sa kaniyang palaisipan kung saan maari nanggagaling ang Bangka. Naglaro sa kaniyang isip ang mga posibilidad sa likod ng kakaibang pangyayari na ito. 

Marahil ay tinangay ng malakas na hangin ang dala nito at inanod papabalik sa Araw. 

Siguro ay lumutang ang mga larawan pa-Hilaga, kung saan matatagpuan ang mga bundok na kinukumutan ng makapal na ulap. 

Hindi kaya nilipad ang mga larawan pa-Timog? Kung saan naninirahan ang mga taong magkakaiba ang hugis ng ilong, bilang ng mata, at kapal ng balahibo. 

Marahil nga ay ang mga larawang hinihintay niya ay nasa magkakaibang dulo ng mundo, maliban dito. Sa mga oras na ito, siguro ay malayo na ang kanilang natahak, at kung anu-anong tanawin ang nakita. 

Halintulad sa mga larawang minsan  sumakay sa bangkang ito, marahan na isinampa ng dalagita ang sarili sa loob. Kusang bumunsod ang Bangka; tila ba ay hinihintay lamang nito ang kanyang nag-iisang pasahero. 

Ibinaling niya ang kaniyang paningin sa Isla, at kinilatis ang mga puno at batong umusbong dito. Kung may kakayahan lamang siya na kumuha ng litrato gamit ang kanyang mga mata, tiyak na gagawin niya ito. 

Napagtanto niya na may natitira pang isang kahilingan si Ayla mula sa Isla. Ito ay ang pahintulutan siyang lisanin ito. 

Minsan na niyang itinuring ito na kaniyang tahanan, at mananatili ito bilang isang tahanan. Ngunit, sa lawak ng mundong ito, imposible ang manatili sa iisang lugar.  

“Hanggang sa muli,” pabulong na paalam ni Ayla. Tinapik niya ang bangka at nagsimula itong maglayag sa hudyat ng hanging pabaon ng Isla. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us