SA TUWING sumisikat ang araw, tila isang mahika ang dala ng iyong mga ngiting nagpapainit sa malamig na hanging bumabalot sa ating bangka.
Tuwing sumasagwan ako sa bayan upang makipagsapalaran sa pangtustos sa pamilya natin, parang musika naman ang tunog ng iyong mga tawa. Tinig mo lamang, bunso, ang nagpapakalma sa gulo ng aking isipan.
Gaano man kainit, kaingay, at kagulo ang paligid na ating kinalakihan, parang nasa yate naman ako at nagbabakasyon kapag nasa laot na ang ating sinasakyan. Anumang unos sa buhay at gaano man kalakas ang hagupit nito, ang iyong hiwagang walang makapapantay ang tanging sagot upang malampasan ito.
Subalit sa makulimlim na araw nitong umaga, kasama si itay sa ating bangka, mga kupas na gunita mo na lamang ang naiwan sa aming mga alaala.
Sa bawat segundong papalapit na tayo sa ating muling pagkikita, parang sinusunog na ng araw ang aking balat kahit na madilim ang sinag. Unti-unti nang nawawala ang mahikang iniwan mo. Hindi ko inakalang darating sa punto na pati iyon ay unti-unting maglalaho sa bawat pagsikat at paglubog ng araw. Sinusubukan kong sumabay sa agos ng buhay ngunit hindi ko maikakaila na mahirap ito, lalo na kung isang puntod na lamang ang dadatnan namin pagbaba ng bangkang ito.
Bitbit ko pa rin ang kirot ng iyong paglisan na parang kahapon lang. Sinusubukan kong tanggapin kahit na luha ang pumapatak sa bawat pagbukas ng aking mata. Ngunit maglaho mang tuluyan ang iyong iniwang mahika, sa puso ko, siguradong hindi ka kailanman mapaparam. F – MAUREEN CURITANA