ni FATIMA BADURIA
SA ISANG pelikulang pumapatungkol sa pagkabayani ng mga kabataan, may isang temang hindi inaasahang tumaginting: romansa. Karaniwang mabigat ang mga kwentong ganitong uri: puno ng paghihirap, sakripisyo, at pagkasawi bago ang pagtatagumpay. Bagamat bahagi nito ang kabigatan, umangat sa pelikula ang ideya ng pag-ibig na may iba’t ibang mukha. May pag-ibig para sa sarili, kaibigan, kasintahan, pamilya, at kung mayroon pang puwang, para sa bayan.
Ito ang kaisipang bumibida sa Katips na isinulat at idinerehe ni Vince Tañada at nakasentro sa mga estudyanteng aktibista. Sino pa ba ang mga pinakatigib sa damdamin—sabik at handa pagdating sa pag-ibig—kundi ang kabataan? Madaling nagningas sa kanila ang naising mailaban ang prinsipyo, para sa pagmamahal sa bayan, kahit malagim ang kasunod nito.
Sa lupon ng mga batang aktibistang kabilang sa National Union of Students of the Philippines, si Greg (Jerome Ponce) ang kinikilalang pinuno. Ilan sa mga kasamahan niya roon ay si Panyong (Vince Tañada) na manunulat ng Ang Bayan, at si Alet (Adelle Ibarrientos) na nangangalaga sa Katips house, bahay na tinutuluyan ng mga aktibista. Dito tumutuloy ang tatlo, at dumagdag sa kanila si Lara (Nicole Asensio), anak ng yumaong propesor ng University of the Philippines. Dahil sa pagkamatay ng ama niya sa kamay ng Metropolitan Command (MetroCom), nahimok siyang sundan ang mga yapak nito at makiisa sa hanay nina Greg.
Ginanap ang mga pakikibaka, mga mapayapang rally na kasama pa ang mga pari at madre. Subalit walang mapayapa sa sagot ng mga pulis na pinamumunuan ni Lieutenant Sales (Mon Confiado). Dahil sa kasakiman ng MetroCom, mapipilitan ang mga kabataang harapin ang mga kalagimang masyadong mabigat at malupit.
Subalit hindi naging hadlang ang kaguluhan sa ikot ng kani-kanilang buhay. Katunayan, dito pa nakatagpo ng pag-ibig ang ilan sa kanila—si Greg at Lara; Panyong at Alet; Estong (Joshua Bulot) at Susie (Vean Olmedo); Art (Johnrey Rivas) at Lally (Carla Lim). Ipinakita ng pelikula ang unti-unting pag-usbong ng romansa sa pagitan ng mga tauhan gamit ang kahanga-hangang paghahabi ng mga dayalogo.
Kapansin-pansin ito sa mga usapan ng apat na pares. Bagamat magkakahiwalay ang mga pag-uusap, pinag-ugnay ang mga ito, ginamitan ng magkakaparehong mga salita para pagtagpiin ang mga linya ng magkakaibang usapan. Mula sa mainit na palitan nina Greg at Lara, mapupunta ang eksena sa mga torpeng sina Panyong at Alet, patungo sa matatamis na salita nina Art at Lally, hanggang sa nakaaaliw na biruan nina Estong at Susie.
Higit na nadadala ang mga manonood gawa ng mga kantang isinaliw sa mga pangyayari. Agaw-pansin ang pagkakalapat ng tono sa mga liriko. Kumakapit sa isip ng mga manonood ang tono ng “katips, katips,” o ng “First Quarter Storm, Battle of Mendiola,” maging ng iba pang mga kanta.
Kahanga-hanga rin ang pagganap ng mga aktor sa kani-kanilang karakter, lalo na si Adelle Ibarrientos bilang Alet. Makikitang tiyak sa pagkatao ni Alet ang pag-akto niya sa kabila ng iba’t ibang pinagdaanan ng karakter. Mula sa magagaan hanggang pinakamabibigat na mga eksena, kalkuladong mga galaw at pagbitbit niya ng emosyon ang nakapagdadala sa mga manonood.
Napakinabangan namang mabuti ang mga katangian ng tagpuan para maipahayag ang dynamics ng mga tauhan. Sa isang eksena, makikitang nasa taas ng hagdan sina Panyong, Alet, at Greg habang nasa ibaba si Lara noong hindi pa siya aktibista.
Madalas na ginamit ang tilt angle sa pelikula, dagdag sa pagpapakita ng pangkalahatang kalooban ng mga karakter habang nasa gitna ng pakikipaglaban.
Subalit, may ilang mga birong pumapalya habang hinahaluan ng komedya ang pelikula, lalo na pagkatapos ng mga emosyonal na pangyayari. Isa na rito ang linya ni Susie nang mapagkamalan niyang apelyido ang “corpus” sa writ of habeas corpus, noong katatapos lang mahuli ang ilan sa kanilang mga kasamahan.
Hindi naging malinaw ang intensyon sa ilang mga sinematikong desisyon. Halimbawa, kapansin-pansing pinagaan ang eksena ng First Quarter Storm. Hindi binigyang diin kung gaano kalubha ang pangyayari dahil mas nakatuon pa ito sa pagpapaganda ng choreography ng kasabay na kanta. Pero sa kalagitnaan ng pelikula, kabilang ang mga eksenang torture, tahasan naman itong ipinakita.
Gayunpaman, matagumpay ang pelikula sa pagkwento ng mga pangyayari mula sa ibaba, ang pagbigay ng mukha sa mga aktibistang inabuso at pinahirapan. Hindi lang pagkabayani nila ang ipinakilala, pati na rin ang kanilang pagkatao. Inilahad dito ang mga bayani sa kanilang murang edad na sa gitna ng pang-aabuso ay piniling umibig sa bayan at lumaban. Sa gitna ng pakikibaka, nakaranas sila ng takot, duda, at trahedya, pero sa kabila nito, nakatagpo rin sila ng tapang, pagkakaibigan, at ang pinakamahalaga, pagmamahal na makapagdadala ng tagumpay.
May tawag sa mga manonood ang Katips: buong tapang na paalabin ang damdamin ng pagmamahal para sa bayan. Maraming taon man ang lumipas na mula noong maganap ang kalupitan sa ilalim ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr., walang dapat maging manhid at walang dapat makalimot. F