Mahal na mahal ka

by FRANCIS MIGUELL STA. ROSA

Photo by Gaebriele Gutierrez/THE FLAME

Mula natutong maglakbay, kasama ka

Ikaw lang ang lakas, saan man magpunta

Lagi kong dalanging huwag kang mawala

Lalo sa tuwing tayo lang ang magkasama

 

Ako ay sabik sa muling pagtatanan

Dalhin ako sa luntiang kagubatan

Kung saan kalikasan lang ang kapiling

Dahil sa iyo’y kay daling narating

 

Pa-opisina, hinahatid mo ako

Natatanaw natin ang mga kapwa ko

Hikahos sa paghanap ng katulad mo

Sa lunang hindi ka makuha ng tao

 

Araw-araw nakikita, iyong halaga

Pinagsisigawan ng ilaw na pula

Sa bawat apak, ako ay naninigas

Baka lisanin na ang bulsa kong butas

 

Kay hirap kamtin, kay daling magpaalam

Lilipad sa alapaap nang marahan

Lalakad ako at uuwing luhaan

O ihahatid ng sasakyang upahan

 

Said na said ka na nga bang talaga?

Kagaya kong wala nang magugugol pa

Hindi ako makausad kung wala ka

Bakit mahal na mahal ka, 

—gasolina? F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us