Paruparo

by MARIA ALTHEA V. JAVIER

Art by Allyzabela Fernandez/ THE FLAME

Editor’s Note: This piece is one of the works in a nine-part series in line with the Dapitan 2023 theme Panopticon. All works are written by The Flame‘s Literary staffers.

MAY BAGO na naman silang bidyo.

Matagal na akong aliw sa panonood ng mga artistang wala na sa karera kaya marahang lumilipat sa pang-uuto ng mga katulad ko. Oo, kasama ako. Sa mga oras na nakikita kong pilit nilang ibinabagay ang mamahaling bag nila sa pucho-puchong rubber shoes, parang gusto kong masuka. 

Sabagay, ano nga namang ambag ng opinyon ko, e kahit yata basura ang ipasuot mo sa mga ‘to, gagawin pa ring balita ng lahat ng news channels sa balat ng lupa.

“This is the very first bag that I bought for myself when I was asking my mom if I should buy this, first paycheck ko so… I worked hard, I felt like deserve ko naman.”

First paycheck daw, nang-uto na naman, akala mo hindi anak-mayaman. Nakalalason ang pagka-conyo ng mga taong ‘to.

Lahat, hinihithit ko na parang sigarilyo.

Nag-eenjoy ako sa kaisipang hindi ako tulad nila. Nakatataas ako, kahit pa hindi sila pwedeng walang aircon, habang ako e binibilang na lang muna ang alikabok sa electric fan ko.

Naistorbo ang aking pagmumuni-muni sa pamilyar na pigurang dumapo sa aking maalikabok na bintana. Ilang araw na akong binibisita nitong paruparo. Baka raw namatay kong kamag-anak na binabantayan ako. Ngunit, iba ang nararamdaman ko.

Pasimple kong pinapanood ang paglipad nito sa himpapawid, sa gitna ng mga butil ng alikabok at mga pasimuno ng sakit, isang brilyante sa tambakan.

Ang ganda.

Lumakad ako papunta sa aking salamin. Hinayaan kong diktahan ako ng aking imahinasyon. 

Pink, green, dilaw, tapos ano pa ba? Napakaraming posibilidad para sa pang-ibaba. Hindi ko mapigilang mapangiti sa nakikita ko sa salamin. Marahan kong hinaplos ang tela habang sinasaliksik ko ang bawat sulok ng aking mukha. Mayroon talagang mga taong namumuhay nang ganito, ano? Magpaganda lang. 

Mistulang inuutusan ang mga ilaw at kamera, para bang mga studio ang sarili nilang mundo. Palagi kong iniisip kung gaano kalalim ang mga ipinapakita nila sa kamera. Nakawiwili; nakagagana.

Ang tanging alingawngaw ng malalamig nilang boses sa maliit kong kwarto ang pumapasok sa sistema ko. 

Sa gitna ng mga nagliliparang alikabok, ang paruparo, nandiyan lamang, sinasamahan ako.

Oras na matapos ang klase, nabubulok lamang ang recorded lectures ko. Pakiramdam ko, may magnet na humihila sa akin papalapit sa aking selpon. 

“Thank you all so much for your support. I wouldn’t be here if it weren’t for you guys! Dati I was celebrating a few thousands and now a million?”

Ilang buwan na ba ang nakalipas? Parang kumapal lalo ang alikabok sa bintana ko. Pero iyong paruparo, walang mintis sa paglipad papunta sa kwarto ko. Tumambay uli ito sa gilid ng aking bintana.

Habang pinagmamasdan ko ang aking sarili sa salamin, biglang nag-hang ang selpon ko. Ano ba naman kasing selpon ‘to, diba? Binili lang kung saan, hindi man lang tumagal ng dalawang taon.

Tuluyan nang pumasok ang paruparo sa kwarto ko. Para bang pinagmamasdan ako. Ano kaya ang tingin nito sa akin?

Hindi na importante. Basta ba ay nakasunod lang ito. Basta ba ay nakikita niya ako.

Lumakad ako pabalik sa aking kama. Nang umayos na ang selpon ko, pumunta na lamang ako sa page nung pinapanood ko.

Sa bawat dagdag ng subscribers sa page nila, sa bawat dagdag nila ng bagong bag sa aparador nila, mas nandidiri ako sa sarili ko.

Kailangan mas maganda ako. 

Humilata na lamang ako. Habang tumatagos ako sa aking kama at nakatingala sa aking kisameng pinurga ng mga peste, napapangiti na lang ako sa pagkamangha.

Hindi pa rin naman ako katulad nila, diba? Maganda lang ang kanilang panlabas, pero hanggang doon lang ang kanilang importansya rito sa mundo.

Tulad nitong paruparo, biglang dumapo sa dibdib ko.

Muntikan na kaya itong mahuli noon?

Hinigpitan ko ang kapit ng kamao ko; hindi siya pwedeng makawala. Masyado siyang maganda. Hinayaan kong bumaon ang kuko ko sa aking palad.

Sa pagbitaw ko sa paruparo ay siya namang pagtakas ng luha mula sa mga mata ko.

Para na itong lantang bulaklak. Walang kamuwang-muwang, tanging kulay na lamang niya ang nagbibigay buhay sa kanyang lantang itsura. Ang kanyang maikling buhay na lamang ang isang memorya niya, kung mayroon man itong memorya.

Ako kaya?

Nariyan ba kayo? Sana nariyan kayo. Wala na akong mapupuntahan.

Nandito lamang ako, at pakiramdam ko’y ligtas ako rito. Walang manghihimasok, tama? Lahat sila nasa likod ng screen nila, hindi nila ako mahahawakan. Ano kaya ang tingin nila sa mga bago kong post?

Hindi ko masagot.

Wala akong makita.

Wala akong pruweba.

Pinahid ko ang aking mga luha. Kumuha na lamang ako ng karayom at isang babasaging garapon. Hindi ka palatapon. Hindi kita itatapon. 

Dito muna ang aking paruparo, babantayan ko lang siya, at sisiguraduhin kong hindi siya makukuha ng kahit na sino man. Hindi na niya kailangan mag-alala, wala naman na siyang makikita. 

Dito lang siya, kasama ko, sa aking mundo.  F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us