by FRANCIS MIGUELL S. STA ROSA
Editor’s Note: This piece is one of the works in a nine-part series in line with the Dapitan 2023 theme Panopticon. All works are written by The Flame‘s Literary staffers.
SA ISANG kisapmata, mula sa juice at kwatro kantos ay gatas at tubig na ang hinahalo ko. Ama na nga pala ako. Gaya noon, binabagtas pa ring madalas ng sasakyan kong Beetle ang Quezon Avenue—hindi na nga lang para maglakwatsa kundi para magpacheck-up. Ang binabantayan ko na ngayon ay hindi ang bingguhan, kundi ang higaan ng aking supling.
Ang dami na ngang nagbago.
Gayunpaman, mas maraming pagbabago sa buhay ng anak ko sa sandali niyang pag-iral. Natatangay na lamang ako sa agos ng mga alaala. Ang bilis ng takbo ng buhay sa yugto ng kabataan.
“Dandansoy, ako’y hahayo na, sa lunang sa ‘ki’y itinakda,” himig ko habang ipinaghehele ang batang unti-unting nagpapakahimbing sa mga ulap. Ibinaba ko siya sa higaan at nagnilay sa unti-unting pagkamit ng kasarinlan. Unti-unti na niyang nagagawa ang lahat ng dating kailangan kong idulot. Lahat ng kabulastugan ko noon ay makakaya na niyang gawin. Nangangamba akong baka dumating ang panahong hindi na niya ako kailangan. A, basta; hindi! Tatanda siya at rarayumahin at uubanin sa buhok, ngunit prinsipe ko pa rin.
Madaling araw nang makarinig akong muli ng iyak, dahilan para magising ako. Nakatulog na pala ako sa sofa, hawak ang remote at pinanunuod ng telebisyon.
“Kung sa akin ay mangulila, sa Payaw ako makikita,” kanta ko habang ipinaghehele ang bata. Maya-maya’y bumaba ang nangangalumatang ama.
“Dad, ako na.” Gusto ko pa sana siyang pagpahingahin, pero sige, ako naman. Kinapa ko ang susi ng sasakyan sa tokador, at pumunta sa Quezon Avenue. Iba na ang tanawin, pero parang hanging humampas sa mukha ko ang mga alaala na nag-udyok ng ngiti at nagpanibago ng lakas. Masarap balikan ang alaala, ngunit ang panahon? Masaya na ako ngayon.
“Ano, anak, ako na muna uli?” bati ko sa aking anak pag-uwi. F