Ibis Luksa

by FRANCIS MIGUELL S. STA ROSA

Art by Janssen Romero/THE FLAME

NAKATALUKBONG NA sa iyo ang hiniram kong lonang may mukha ni Kapitan. Nagluluto na ang ilang manang ng mga putaheng ipapakain sa mga bisita, habang tinatabunan naman ng iba pa ang mga inumin ng yelo. Maging si Father ay magmimisa lang at didiretso na rito.

Isang taon na pala. Maliwanag pa rin sa isip ko ang pagsilay mo sa akin pagdating ko sa sala—nakagayak, nakahimlay, napapaligiran ng bumbilya. Sinubukan ko pang pigilin ang nangingilid na luha, pero nang yakapin ako ni Tiya, kumagat na: wala ka na nga. 

Sa mga sumunod na araw, dumagsa ang mga taong kapareho kong nagdadalamhati sa iyong pagkawala. Mayroon din namang mga usiserang sa umaga’y nakikikape at nakikikain ng tsitsirya samantalang pinag-uumpukan ang naging buhay mo sa hapon. “Sinong patay?” tanong ng isa. “Si kuwan… iyong asawa noong dayong sutil! ‘Di ba, naghiwalay na, ‘tapos e inamo-amo, binalikan naman nire!” tugon ng kausap. Hindi man lang kita maipagtanggol. 

“Mas gusto mo bang magkawalay tayo? Ayaw mo bang bigyan ang anak mo ng pamilyang buo? Magkakasama-sama tayong muli, hindi pa ba sapat iyon?” Gaya noon, mahusay pa rin siyang magmanipula. Kasalanan mo pa rin ang pagtatayo ng mga hangganan at paghahangad ng karapat-dapat. Gayon na nga, at ang naging sagot sa tanong na ito ay ang nagdikta ng kapalaran mo, ng kapalaran ko, maski ngayong wala ka na. 

Minahal mo ako, at sa pagyao mo, pinangamba kong wala nang magmamahal sa akin nang ganito. Sa pagdaan ng panahon, ang pag-aalalang hiniling kong mapawi ay nawala… at naging tunay na kalagayan. 

Mahal mo ako, ngunit hindi maiwasang sumagi ang pagdududa sa tuwing ipinagdurusa ko ang bunga ng mga wari ko’y hindi wastong pagpapasya.

Nagbulag-bulagan tayo sa mga panahong hindi ka makatulog sa gabi kahihintay sa kanya. Ika mo, baka nag-overtime, bagama’t alam naman nating lahat kung nasaan, dahil laging simot ang kanyang pitaka. Pag-uwi mula sa pagkatalo, hahalik na naman sa ating balat ang mga latay, paso at hampas. Ngayon, paminsan-minsan pa rin itong nagaganap, bagama’t patago at tahimik. Walong oras mula nang maibalik ka sa bahay, siya rin mismo ang umubos ng tong na ibinigay ng mga nagmamahjong. 

Sa pag-ibig na roleta, bala rusa pa ang nakuha. Pa, pagod na akong maghaplos ng yelo sa mukha. Nakaiinggit ang mga anghel na nililingap mo ngayon. Bakit ba tinawag ka na nila gayong nakikita nilang mas kailangan pa kita? Bakit sa lahat ng babalik, siya pa?

Nang lumisan ka, katangay mo ang pag-asang ako ay may maaasahan pa.

Tuwing umuuwi ako, napatititig pa rin ako sa mga nakalatag na sakahan sa gilid ng expressway. Naaalala ko kung paano mo iginapang ang aming maayos na pamumuhay. Sa paunti-unting nasusubi sa bawat anihan, nakatapos kami at naipatayo ang ating tahanan. 

Nakaprenda na ang lahat. Sa katunayan, milyon na ang utang natin dahil sa gamot, pamamalagi sa ospital at serbisyo ng punerarya. Kung hindi lang sana pinakialaman ang libreta mo sa bangkong taglay ang naipon mong pinagbentahan ng mga ani at kalabaw, may maipambabayad tayo.

Gusto mo na ba ng apo? Hindi ko pa yata kaya. Hindi ko na yata makakaya.

Sa dami ng nakapatong sa aking pananagutan, nakapapangambang maglabas ng panibagong bibig sa mundo. Para ano pa, para isilang na may utang na at sa paglaki ay panagutan ang lahat ng hindi ko matugunan? Para ba maghanapbuhay at tumustos sa kapritso ng lolong batugan?

Minsan, gusto ko na lang ding magpakaligalig, magpakabulagsak, at magpakamapang-abuso. Gayunpaman, hindi ito ang turo mo. Matapang, mabuti, mapagmahal—ito ang mga katangiang turo mo at hinihiling kong sa pagtatangka kong isabuhay ay makapagpangiti sa iyo mula diyan, kahit na ngayon ay hindi ko nararamdamang iginaganti sa akin.

Tama, isang taon na nga. Sa parehong paraan, isang taon pa lang pala ang parang isang siglong dumaan. Napatid na ang mga luha, ngunit nagpapatuloy ang pagdurusa. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us