Drive-in Parokya

by FRANCIS MIGUELL S. STA ROSA

Art by Audrey Meir M. Salonga/THE FLAME

NOONG ISANG araw habang naglalakad, naalala kong matagal na rin pala akong hindi nagsisimba. Kung kaya, napag-isip-isip kong magsimula muling gawin ito linggo-linggo. Naalala ko ang simbahan na matagal ko nang gustong puntahan. Patron kasi nito si San Isidro, at lagi akong nananalangin sa kanya para sa aking mga magulang at kalugar na magsasaka. Nakikita ko rin ang mga litrato nito sa social media at napakaganda ng gusali nito. Mas malawak kaysa karaniwan ang entrada, mas kuwadrado kaysa pahaba ang lupang kinatitirikan, at napuputungan ng inukit na bulaklak at mukha ng anghel ang bubungan. Ipinagpaliban ko ang pagpunta rito noon dahil may kalayuan at mahirap mamasahe patungo rito. Kung kaya, wala nang mas mainam na panahon kundi ngayong dumating na ang lisensya ko. 

Kanina, gumising ako nang maaga para maghanda. Bago sumikat ang araw, hawak ko na ang manibela at binabagtas ang daan patungo sa silangan ng Kalakhang Maynila. Makalipas ang isa’t kalahating oras, narating ko na ang simbahan. Kumuha ako ng face mask at isinara ang sasakyan. Pagdating ko sa pintuan ay nakaharang ang dalawang silyang mahaba na binabantayan ng dalawang aleng naka-face mask, face shield at air purifier

Good morning po, sir, sisimba po sila?” tanong sa akin ng babae, iyong mas bata. Sabi ko, “Opo, bakit may harang dito?” “Bawal po sa loob, sir, sa communion lang po nagpapapasok. Bawal daw po kasi under ECQ,” aniya. Kung nais daw makatanggap ng komunyon, maaaring maghintay sa kotse at manuod ng livestream ng online mass doon. 

Sabik sa pisikal na komunyon, gayon na nga ang ginawa ko. Bumalik ako sa sasakyan at nanuod ng misa. “Atin pong sabay-sabay na dasalin ang Oratio Imperata,” sabi ng lector. Yumuko ako. Maya-maya, nagsesermon na ang pari tungkol sa kahalagahan ng pagtulong sa mga nangangailangan, tulad ng mga maysakit, nawalan ng hanapbuhay, at mga nahihirapang tumugon sa mga pagbabago. Bagama’t sinikap kong ituon ang buong atensyon sa misa, hindi ko naiwasang lumingon. Nakasama ko sa paradahan ang ilan pang sasakyan. Ang karamihan ay may plakang NCR, Gitnang Luzon at Calabarzon, habang ang sa ilan ay Mimaropa, Ilocos, at Bicol. Dinarayo talaga siguro ang simbahang ito.

Maya-maya, kumakanta na ng Ama Namin at Agnus Dei, at isa-isang kinatok ng dalawang bantay ang mga sasakyan. Pumunta kami sa loob at tumanggap ng banal na komunyon. Pagkatapos tumanggap, naupo na ang iba sa mga bangko at hindi na napalabas ng mga bantay. Anila, patapos na rin naman. Natapos ang misa sa pagbabasbas at anunsyo ukol sa e-wallet accounts ng simbahan kung saan maaaring ipadala ang tulong sa pagpapanatili ng kanilang mga pasilidad. Kumuha ako ng litrato, lumabas, at nagbayad ng parking fee.

So, reminder lang, class, our exam will be on the following Monday. Please don’t forget to bring your number 2 pencils for answering the Scantron sheets. Goodbye!” Napapitlag ako mula sa pagkakahilig sa balikat ko nang marinig ko iyon mula sa aking earphones. Napuyat ako kagabi at hindi ko na pala napigilan ang pagbagsak ng talukap ng mga mata ko kanina. Nagsipag-alisan ang mga tao sa Zoom matapos magpaalam. Tiningnan ko ang telepono ko: 9:20 a.m., sabi sa itaas: “President Marcos Jr. lifts the state of public health emergency due to COVID-19,” bungad sa akin pagbukas ko ng Facebook post galing sa himpilan ng telebisyon. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us