KASALUKUYANG NAGPUPULONG ang student council ukol sa palatuntunang isasagawa sa nalalapit na anibersaryo ng pagkakatatag ng paaralan. Sinusubukan din nilang mangalap ng pondo para sa mga proyekto. Sa gitna ng diskurso, naglabas ng suhestiyon ang presidente ng konseho, at may alaalang nangibabaw sa isip ng prinsipal.
Kumakaripas ng takbo ang ilang mga mag-aaral na umeeskapo sa mga nanghuhuli. Foundation Week ng paaralan noon at gaya ng nakaugalian, may jail booth na muli.
“Constables, hulihin lahat ng naka-rubber shoes!” anang presidente ng student council. Paghudyat ay nagsitakbuhan ang lahat ng mga maaaring mahuli. Hinabol naman sila; inakay, hinila at binuhat papunta sa ‘selda.’
“Constables, hulihin lahat ng may suot na press ID—lahat ng taga-journ!” Nang marinig ito ay hinuli lahat ng mga ‘sundalo’ ang mga manunulat sa pahayagan ng paaralan, maging ang mga kumukuha ng litrato ng mga pagtatanghal.
“Constables, hulihin lahat ng class officers!” Sa isang silid ay nagpupulong ang mga opisyal ng mga pangkat para maghanda sa mga susunod na araw ng selebrasyon. Lumusob dito ang mga nanghuhuli habang tinitignan ng natigalgalang prinsipal.
“Constables, hulihin lahat ng nakasuot ng kulay pula!” Pinagbubuksan ng mga nanghuhuli ang mga silid na may palaro at palabas na sine, sinuyod ang lahat ng mga nasa loob, at inilabas papunta sa kulungan ang lahat ng mga nakapula: estudyante, titser, pati ‘yung maintenance na pilay.
Binalot ang selebrasyon ng nakabibinging katahimikan. Sa huli, binagsak ng pangulo ang huling utos: “Constables, hulihin lahat ng constables!” Nagtinginan ang mga marshall na natigalgalan sa utos. Nalaglag pa nga ang barquillos na subo at panggap na hinihithit ng isa. Nabasag ang maiksing pagbubulay nila nang may mga sundalo na sinubukan nang bitbitin ang ilang kabaro.
Sa isang silid, nagawang magtago ng isang pulutong ng sundalo. “‘Ba, loko ‘to ah?” sabi ni Janjan. “Pagtrip-an din natin, turuan natin silang buksan ‘yung backdoor!” sulsol naman ni Freddie, na kumakain pa rin ng barquillos. Habang nangyayari ito, naghahabulan ang ibang mga sundalo.
Pumunta ngayon sa may selda ang grupo, bitbit ang katayuang hindi paaapakan. Inabutan nila ng card ang mga nakakulong at ipinanungkit nila ito sa doorknob. Dali-daling nagtulakan ang mga tao palabas ng selda. Sinubukan itong pigilin ng mga natitirang sundalo, ngunit hindi nila kinaya. Tumumba ang pedestal na kinatatayuan ng presidente at nasira ang dalawang bisagra kaya’t hindi na muling nagpa-jail booth pa.
Ang kuwento tungkol sa insidente ay patuloy na gumapang makalipas ang ilang taon. Lahat ng mag-aaral maging sa kasalukuyan ay alam ito. Sira pa rin ang gitnang bisagra ng Room 1081.
“What if, magpa-jail booth tayo this year? Malakas makakolekta ng ticket ‘yun!” mungkahi ng nakaupong presidente ng student council na nanalo dahil sa pagkabantog. “Aayusin natin ang execution, lilinisin natin ang pangalan ng jail booth sa isip ng mga estudyante,” dagdag pa niya. Nakatiim ang bagang ng prinsipal, habang ang gabinete ng presidente ay hindi magkandatuto sa pagsang-ayon. Oo, hindi magkandatuto. F