Sorbetes

Photo by Ethan Cardaño/THE FLAME

GA-GRADUATE NA ng kolehiyo si Jun. Sa wakas, matatapos na rin ako sa pagpapaaral. Sa kabila nito, parang mas gusto ko na lang na manatiling tagabayad ng matrikula. Nang makaalis ng kolehiyo, isa-isa nang nagsipag-alisan sa bahay ang aking mga supling… naglalakbay, nagsisilang ng sarili. Uuwing paminsan-minsan, padalang nang padalang. Kung noon ay umuuwi siya linggo-linggo, baka sa susunod na taon ay magiging tuwing Pasko na lang. 

Noong minsan, may batang naglalaro sa amin ng saranggola, hanggang sa hindi na niya makita kung nasaan ang dulo ng tali. Gaano ba kahaba dapat ang pisi?

Sa trabaho, nagbabago na rin ang himig ng mga usapan. Anila, “Naka-Losartan na ako!”, “Naku, ako rin! Lagi na ngang lagpas 160 ang sugar ko!” Kakukuha ko lang din ng resulta ng blood chem ko. Pre-diabetic daw. Baka hindi maglaon at kasama na ako sa mga usapan sa opisina. Bagama’t kung ito ay darating, nakapagdadala pa rin ng pangamba ang mga bagay na ito. 

Tuwing tumitingin sa mga kawalang-katarungan sa paligid, lagi akong humihingi ng pagbabago. Minsan pala, aayaw rin ako. Ngayon ay lalong lumalaki ang aking pagpapahalaga sa kaparehuhan. 

Nagdadala pala ng saya ang samahan ng mga bagay na hindi nagbabago, dinadala ka sa panahong naganap na at hindi na maiiba, kahit pa ito’y kasing-simple lang ng pakikinig sa boses ni Karen Carpenter…paggagantsilyo… pagkain ng ice cream! Parang bata ulit ako. 

“Manong, pagbilan nga. Isang lima.”

Ma’am, wala na pong lima. Kinse, bente, trenta,” sabi ng sorbetero habang itinuturo ang mga sisidlan. Lahat pala talaga nagbabago! F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us