IBAHAGI MO sa akin, Poong Mayoras, paano ko maisusulat ang diwa ng mundo nang wala ako sa pagkabihag mo?
Sa tuwing lumilikha ako ng mga kwento, sumusulat ako para umani ng kaalaman at saksihan kung anuman ang haharapin ko; ngunit bakit sa dulo ng lahat ng ito ay mayroong wakas? Ginoo, bakit nabibilang ang mga araw na maaari kong damdamin ang mga kababalaghan sa buhay bago ko sila iukit sa papel?
Bakit sa tuwing sumusulat ako, para bang hinahabol mo ang bawat galaw ng aking pluma? Tila ba bawal akong huminto nang saglit para pag-isipang muli ang mga ideya sa utak ko.
Ang mga tulad nina Rizal, Joaquin, at Márquez-Benitez, bagaman lumipas na ang kanilang kapanahunan, ay testamento ng iyong katapatan. Dahil sa’yo, natuklasan nila ang pakay nila sa larangan.
Nailikha nila ang kanilang mga obra maestra—mga akdang tunay na walang hanggan ngunit nasaan na ang mga maykatha ng mga ito? Nakalulungkot na ang mga kamay na may pakana sa mga kwentong ito ay binawian agad ng pagkakataon upang ipamana ang kanilang talino sa inang bayan.
Ayaw kong danasin ang kanilang kapalaran. Ayaw ko. Pakiusap sa iyo, Poong Mayoras, at bigyan mo pa sana ako ng mas maraming panahon upang tuklasin ang mundo ng panitikan. Ni hindi ko pa nga gamay ang mga libro, papel at panulat sa mesa ko.
Dahan-dahan lamang, Ginoo, huwag mo akong madaliin. Awatin mo ang tatlong kamay ng relos at buhangin ng orasa. F