Kababata

Photo by Yanina Alison Baltazar/ THE FLAME

“ANG TAGAL mo naman gumising, kuya!” Iyan ang palagi kong naririnig sa umaga sa tuwing ikaw ang nakatoka sa pagluluto ng pagkain. Pagkatapos, mag-uunahan tayo sa maliit na kotse kasi gusto mong hinihila kita patungo sa tabing-dagat.

Ilang taon na nga ba ang nakalipas noong huli akong umuwi sa Pangasinan?

Nang tumuntong ka ng elementarya, dala mo pa rin ‘yang kotse. Kahit ilang beses kang pinagtawanan ng mga kaklase mo, wala kang pakialam basta madala mo lang iyan. Ayos lang naman sa amin ni Inay, kasi mataas naman ang mga grado mo. 

Isang araw, umuwi ka na lasog-lasog at marumi ang damit mo, nawawala pala ang paboritong laruan mo. Hindi ka namin napatahan noon hanggang sa nabawi ko ang laruan. Pinatawag si Inay sa paaralan kinabukasan dahil may nagsumbong na binugbog ko ‘yung mga nang-api sa’yo. Muntik na akong ma-suspend, Jopet. 

Kapatid na ang turing ko sa’yo. Halos dito ka na nga lumaki dahil nawalan tayo ng balita sa sariling mong ina.

Hanggang sa may dumating na liham mula sa isang pulis. Nagsikap ka na makapagtapos dahil sa liham. Nag-away pa nga kayo ni Inay dahil sa sobrang tigas ng ulo mo pero pinatunayan mo na kaya mong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Mabilis palang tumakbo ang oras, Jopet. 

Minamaneho mo na ang dating hinihila ko lang, hindi ko nga namalayang nasa Pangasinan na ulit tayo.

Paslit ka lang dati, abogado na ngayon. Pamilyado ka na at mana sa’yo ang mga anak mo, lalo na sa kakulitan. Pinagyayabang nga kita sa mga katrabaho ko sa Marikina. 

Sa likod ng rehas, dalawang dekada akong nanilbihan. Hanggang ngayon, ayaw pa rin mawala ng masangsang na amoy kahit anong kuskos ang gawin ko. Pero, salamat sa’yo dahil nakalaya ako. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us