Limas

Photo by Grehmalyne Carandang/ THE FLAME

Naglilimas ako ng tubig-baha. Tumila na ang ulan at mayroon ng malamlam na sikat ng araw pero naglalawa pa rito sa unang palapag ng bahay. Kaya ngayon, pinapalis ko ang kulay-kapeng tubig na may nakalutang na iba’t ibang basura: saranggola, wasak na dollhouse, pati bote ng beer na basag at tumagas. Sa labas, mas nakapanlulumo pa ang hitsura. Nagkalat ang putol na puno, plastik, nalaglag na alulod at mga tuta’t kuting na giniginaw.

Ang totoo, bago pa ako nakapaglinis, mayroon nang ibang nagkusa para maglimas… limasin lahat ng gamit. 

Hindi naman kasi bumabaha rito, hindi ba? Nang pumasok na ang tubig ay nag-akyatan na kami sa taas. Binalik-balikan namin ang mga gamit para iakyat, pero ang mga malalaki ay naiwan sa labas. Buti na lang nakadaong kayo ngayon sa Germany. Maganda ba diyan? Ni minsan kaya, binaha ‘yang mga gusali at stadium diyan?

Ganito na ang lagay nang bumaba kami kaninang umaga. Ang bagong biling sofa ay basang-basa at malamang ay pinasukan na ng maruming tubig. Ang natirang laman ng ref ay maligamgam na tsokolate at makinang junk shop na lang ang bibili. Ang kotseng hinulugan ko nang tatlong taon mula sa iyong padala ay inabutan kong nakapatong sa isa pang sasakyan.

Sa isang iglap, lahat ng ipinundar mo sa pagharap sa himagsik ng dagat ay sa unos din nawala.

Kaya ngayon, naglilimas ako ng tubig-baha. Wala na rin namang magagawa. 

Mag-iingat ka,

Ling ~ F 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us