Ang langit ay kulay abo;
ang tubig sa lupa ay nalabusaw.
Tahimik na ang mundong kanina
tila lahat ng panginoon sa langit
ay sabay-sabay na bumulyaw.
Kinuha niya ang kaniyang bota, itak at sumbrero.
Ang sumbrerong binigay sa kaniyang kamusmusan,
ngayon ay nalamurit na ng panahon.
Sa paglalakad-lakad,
ang kaniyang damit
ay nabisak na ng pawis at putik.
Ang likod ay kumikirot dahil sa pagyuko
at ang mga mata ay lumamlam sa nakita.
Ilan sa tanim ay nalanta,
ang iba ay tuluyang nawala.
Hindi na ito maipagpapalit sa salapi,
pananghalian at hapunan na lamang.
Sa bawat tangkay ng sitaw,
sa bawat dahon ng sili
at sa bawat puno ng talong.
Sa ilalim ng buwan at araw,
sa kasagsagan ng habagat at amihan,
humampang siya mula una hanggang dulo.
Ngunit sa mga hinlog, nagtapos ang unang yugto.
Ginawa niyang tahanan ang lupang hindi kaniya.
Ang bahay na tinutulugan niya pagsapit ng sibsib
ay pinaghaharian na ng sapot sa bawat gawi.
Ang mga tao roon ay hindi kilala ang isa’t isa.
Nagkikita lamang tuwing umaga at gabi,
sa hampastikin ang bahay ay tila pipi.
Ang bahay ay tuluyang lulupsak sa kahirapan.
Nginginig ang buto at kalamnan
kung hindi dadalitain ang tunog ng kawalan
ng kanilang Ama.
Sa sapilitang pag-alis ng Ama habang bukang-liwayway
nakasalalay ang hinaharap nilang lahat.
Sa bawat oras na ginugugol sa pagtatanim,
ay siya ring pagnanakaw ng oras para sa mga supling.
Kapalit naman nito ang liwanag ng kinabukasang
sumisilip sa silat ng dating madilim na kintayon. F