WALANG KAKAIBA o espesyal sa Lunes na iyon. Walang nagdiriwang ng kaarawan, anibersaryo, o napanalunang timpalak. Bitbit ang aming mga bag, naglakad kami mula sa eskwelahan, sabik sa makukuhang tsismis mula sa isa’t isa.
Hindi nagbabago ang ruta namin. Didiretso ako, habang sila ay isa-isang hihiwalay mula sa grupo patungo sa kani-kanilang kanto.
Buhay na buhay ang kalye na ito. Mayroong mga karitela ng sorbetes at restawrang nakatayo sa bahay ng pamilyang nagmamay-ari nito. Naghahalo ang amoy ng mga nilulutong putahe at ingay ng mga estudyanteng nakatambay.
Dala ang natirang allowance, nagpasya kaming kumain bago maghiwa-hiwalay noong gabing iyon. Nilapag namin ang aming mga bag at agad kaming sinalubong ng alingasaw ng kalamansi mula sa mauugang mga mesa.
Maliban sa amoy, hindi ko na maalala ang kinain namin pati na rin ang lasa nito. Ang tanging naiwan sa akin ay ang tunog ng nilulutong pagkain, ang lamig mula sa plastic cup na puno ng soft drinks, at ang hapdi ng lalamunan ko mula sa daldalan namin.
Pamilyar ang mga hakbang ko.
Ganoon pa rin ang tinahak kong ruta. Tumingala ako sa gusaling napag-iwanan na ng panahon. Wala nang mga mesa, upuan o kahit anong patunay na minsa’y puno ng buhay ang lugar na ito.
Tanging alikabok ang namamalagi sa gusali. Mabuti na lang, mayroon akong pantakip sa aking bunganga. Ngunit, iba ang bigat ng bag sa aking balikat ngayon.
Sa mga nagdaang taon, wala namang nagbago sa kalyeng ito. Nakakapanibago nga lang ang katahimikan na tila sumasakal sa pagkatao ko. F