Gigs & drinks

Art by Natalie Reign Pacat/ THE FLAME

KAHIT KAILAN talaga itong si Mike, tulog mantika.

Kanina pa namin siya tinatawagan ngunit hindi siya sumasagot. Nakarating na rin kami rito sa apartment niya.

“Sabi ng portero, ilang araw na raw hindi lumalabas ng kuwarto si Mike,” wika ni Andrew. “Hindi niya rin daw pinansin ‘yung mga nagsidatingan na parcel kaya itinabi na lang muna ang mga ito sa bodega.”

Ilang araw na raw hindi lumalabas ng kuwarto si Mike. Pero kausap ko pa siya kaninang umaga.

May itatanong sana ako sa portero pero inawat ko na lamang ang aking sarili.

Naglalakad na kami papunta sa kuwarto niya ngunit ang isipan ko’y nananatili sa nanlilisik na tingin sa akin ng portero.

“Mike, anong oras na,” bulyaw ni Sam. Naka-apat na katok na si Andrew ngunit tila hindi niya kami naririnig. Napagsabihan at nasungitan na ako ni lola sa katabing kuwarto pero si Mike, hindi pa rin umiimik.

Hindi ko na kayang mag-antay pa kaya pinihit ko na ang hawakan ng pinto nang bigla itong bumukas. Nakaligtaan ba itong i-lock ni Mike? Sobrang lamig din ng hawakan, hindi man lang ba siya lumabas para maligo? Naku, masasabon na naman siya ng kanyang pinsan na si Jess mamaya.

Teka, tama ba itong pinasukan ko? Nasaan ang mga gamit niya? Tanging isang maliit na mesa lamang ang narito. Nakapatong dito ang isang retrato na pinalibutan ng mga kandila.

Biglang nanghina ang mga tuhod ko. Dali-dali akong lumayo at hindi ko kinaya ang nakita ko. Hindi. Totoo ba itong nakikita ko?

Paulit-ulit kong pinipihit ang hawakan habang tinutulak ang pinto pero ayaw nitong bumukas. Humihingi na ako ng tulong sa mga kaibigan ko ngunit ni isa, walang sumagot.

“Leo,” wika ni Sam. Inulit pa niya iyon ng ilang beses.

Narinig ko muli ang aking pangalan at dahan-dahan akong lumingon.

“Leo, samahan mo kami rito,” wika ni Mike habang inaalok ang kanyang naaagnas na kamay.

Halos himatayin ako sa aking kinatatayuan. Lasog-lasog ang kanilang mga katawan.

“Huwag kayong lalapit,” bulyaw ko.

Para silang mga tambay na may ice pick kung makatitig sa akin.

“Pakiusap. Hindi ko sinasadya… ‘di ko sinadya ‘yon.” Halos wala na ako makita dahil sa pinag-halong pawis at luha. “Hindi ko talaga sinadya iyon. Nakainom ako. Sobra. Nagmadali na ako noon kasi ayokong mahuli tayo sa gig natin. Madilim na tapos, nawalan pa ako ng preno.”

Napuno ng tawanan ang kuwarto.

“May gig pa tayo ‘di ba? Halika na,” iyan ang huling sambit ni Andrew bago ko nasilayan ang katawan kong nakahandusay malapit sa pinto. F – Trixcy Anne Loseriaga

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us