SA ISANG sikat na eskinita nakapuwesto si tatay. Tuwing umaga, nagsisimula na ang kanyang pagbasag ng mga itlog at paghalo ng harina at gatas, pandagdag sa mga nakahanda na pancake.
Sa kaniyang liksi, wala pang mismong oras ng pagbubukas ay handa na ang lahat. Ilang sandali na lamang, mapupuno ng kaakit-akit na bango ng bagong lutong pancake ang simoy ng hangin.
Parehong maingat at mabilis ang paghulma ni tatay sa mga pancake. Ang pakikipagpalitan niya sa bawat customer ay marka ng dignidad mula sa kamay ng sipag, hindi lamang para sa mga masasarap na pancake mismo, kundi para sa kaligayahan na hatid nito sa mga taong tumatangkilik sa kaniyang paninda.
Walang reklamo sa mahabang oras o tirik ng araw sa umaga. Hanggang sa pagbaba ng araw ay naroon pa rin sa puwesto si tatay. Kapag tila humupa na ang kumpol ng mga tao, magsisimula na siyang magligpit.
Ilang sandali ay dumating ang isang pamilyar na mukha para tulungan si tatay.
“Tay, ang aga mo umalis kanina hindi tuloy kita natimplahan ng kape! Dumating na rin ‘yung medyas na binili ko online, sana maisuot mo na para maiwasan ang pirmeng pamamaga ng paa mo sa mahabang oras ng pag-tayo,” agad na bulaslas ni Tala kay tatay.
Mag-iisang oras na mula ng matapos ang klase. Nakagawian ko nang bumili sa kanila bago umuwi at ito ay isang pangkaraniwang eksena na sa akin.
Mukhang hindi naman nalalayo ang katangian ni Tala kapag nasa loob ng silid-aralan mula sa kaniyang pagkatao sa munting eskinita sa daan.
Tunay na mapalad sila sa isa’t-isa; parehas na maamo ang ngiti ng mag-ama.
Marahil, marami rin akong matututunan sa simpleng pagbili ko ng meryenda. Para sa lahat ng araw at dapit-hapon na nakikita ko siya—sila sa munting puwesto, tagumpay na maituturing ang walang humpay na kaligayahan ni tatay sa pagbili ko ng kaniyang paninda.
Mumurahin ang aking meryenda at walang nagbabago sa lasa nito. Ngunit sa bawat bisita ko sa tindahan ni tatay, umaalingawngaw ang iba’t ibang kuwento ni Tala tungkol sa eskuwela.
Walang katumbas ang sakripisyo ni tatay. Bilang gabay ng kaniyang anak sa paaralan, tunay na nakatutunaw panoorin ang aking estudyanteng si Tala kasama ng kaniyang ama.
At, laking pasasalamat ko na minsan ay nagiging bahagi ako ng mga kuwento ni Tala. Tunay nga na may nararating ang aming mga gabay. Nakasisiguro akong hindi lamang ang aking mga estudyante ang natututo. F – Jaila Marjaan Abdul