Sa pagdapo ng dilim, bitbit ang ilaw,
Sa liyab ng kandila, sumasayaw ang anino,
Balot ang isip ng amoy ng sigarilyo
Dito nagtipon, mga pasyon at alaala
Sa bawat hakbang patungo sa simbahan,
Mga kuwento ay muling nabuhay
Sa bawat sulok ng bayan
Hawak-kamay sa gunita,
Kahit ng mga nasalanta
Sa bawat luhuran, isang pangako,
Sa ibabaw ng mga bumagsak na bato,
Sinusubukan pa rin magsalo-salo
Sa gitna ng pawis at pagod,
Muling magsasamba
Ngunit sa bawat sulyap,
Pag-asa ay tila inaanod
Sana’y sa bawat pagbisita,
‘Di lamang alaala ang mananaig
Bituing abala ang tanging tanglaw
Sa mga kuwento ng mga ninuno,
Sa likuran ng kaligayahan,
Saksi ang mga nawasak na kanlungan
Na may panlulumo sa kahilingan
Paano igagalang ang mga alaala
Sa lupaing pinagkaila
Kung ang bawat yapak
Sa mga durog na bulaklak
At mga kandilang nauupos
Ay pagpapaalala sa trahedya
Mga mata ay nagmamasid
Sa mga kilos na ‘di kaakit-akit
Mga mata ay tuluyang nabuksan
Sa daang wala palang patutunguhan
Sa likod ng ngiti, may naipong galit,
Ngunit sa gitna ng gunita,
Mga tradisyon ay patuloy na uusbong
Upang ang gumuho ay pilit na mabuo F – Ren Sophia Bughaw