MAYROONG MGA pagkakataong hindi natin maipagkakaila ang takbo ng oras. Sino nga naman ang mag-aakala na paparating na naman ang Kapaskuhan?
“Kaunting banat pa,” bulong ng aking isipan. Nilapag ko ang aking palad sa malawak na parang ng unibersidad, ang kislap ng mga palamuti at bungisngis ng mga tao sa paligid ang silang umaaligid sa pagninilay. Sa tabi ko ay ang aking mga kaibigan, na tulad ko ay tumutunog na ang mga buto sa bawat unat.
Marahil sa sandaling ito ay pwede kong bitawan ang bigat na umaaligid sa aking ulo at balikat at pagmasdan lamang ang mga ilaw na mas maliwanag pa kaysa sa mga bituin sa langit. Sa aking pagmamasid, siyang napagtanto ko ang mabagal na daloy ng panahon—para bang ilang buwan muna ang inabot bago ang pagkakataong ito, na siya ring matatapos sa loob lamang ng ilang oras.
“Gusto niyo na ba kumuha ng pagkain?” tanong ng kaibigan ko, na ang katawan ay tila kaisa na ng damuhan. Dumating ang malakas ngunit mabagal na sipol ng hangin bago pa man ako umusad. Ang kinang ng mga palamuti ang natatanging repleksyon sa aming mga mata. Parang hindi pa ako handa lisanin ito.
Isang maliit na ngiti. “Huwag na muna, mamaya na lang,” sagot ko sa kaniya. “Namnamin muna natin itong pahinga.”
Mayroong mga pagkakataong madalas hindi natin maipagkakaila ang takbo ng oras. Lumilipas man itong gabi, kumikinang pa rin ang mga palamuti at naririnig at nakikita ko pa rin ang mga bungisngis at ngiti ng mga tao. Sapat na ang mga sandaling iyon. F