Sino ang tao, sino ang laman

Art by Lady Margrette Bermudez/ THE FLAME

MAGPAPABAGA tayo sa tabi ng paupahan
gamit ang posporong minana mo sa tatay mo.
Hahagod ang pula sa lalamunan ko,
uubo, ilalabas ang hanging ninakaw ko sa’yo.

Ang mga mata mong nakatutok na sa’kin.
Mapanuri, tila hinihiwa ang balat tagos hanggang buto.
Hinablot ko ang kahong nasa kandungan mo,
Tinitingala ang rotonda, tumatakbo papalayo sa’yo.

Sa dibdib mong bukas, kasya na ang kamao ko.
Tumutulo ang dugo mo sa bagong buhos na aspalto.
Kinapa ang dating tumitibok na puso mo,
Ramdam pa ang pulso mo sa palad ko.

Nakaluhod at hawak niya ang buhok ko,
Ito’y ritwal na tayong dalawa lang dapat ang hubo,
Rinig ko ang iyak mo mula sa kabilang kanto,
Habang dala-dala ko ang ninakaw na abo.

Kumakahol ang mga aso sa kalsada ng Lacson
sa babaeng tila dalawa na ang puso. Isa sa dibdib,
at sa kasamaang palad, sa kaliwang palad.
Sa napupunding liwanag ka humihingi ng tulong.

Putol na ang dila nating dalawa pagdating sa Mayon.
Hapo sa gabing puro habulan. Hindi na malaman sino
ang unang ngumanga, sino ang unang nagutom.
Sa kanal malapit sa Carola mo ako natagpuan.

Nakahandusay sa sahig, nilulunok ang usok kagabi.
Sa pagitan ng ngipin ko may tira-tira pang damo.
Sa sementong lubak nakahain mga bituka mong pinulot ko.
Pagsasaluhan natin pagsapit ng alas otso.

Dugo sa kuko, ngiti sa labi,
Ang bituka mo’y tila akin na rin. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us