Alipato at Muog: Pagliligtas mula sa manliligtas

ITINUTURING ANG militar bilang tagapagpanatili ng kapayapaan. Ngunit, may ilan sa kanilang hanay ang pinaniniwalaang mapang-abuso sa kapangyarihan.

Kapag isa sa kanila ang hinihinalang salarin, sino ang sasagip?

Sa direksyon ni JL Burgos, ang Alipato at Muog ay isang dokumentaryo tungkol sa paghahanap ng kanilang pamilya sa kanyang kapatid na si Jonas Burgos, isang aktibistang huling namataang dinadakip sa Ever Gotesco Mall sa Quezon City noong 2007. Unang ipinalabas ang dokumentaryo bilang bahagi ng Cinemalaya 2024: Loob, Lalim, Lakas noong Agosto.

Umani ng parangal ang pelikula gaya ng Special Jury Citation sa Cinemalaya 2024, Best Film, Best Editing, at Best Documentary sa ika-48 Gawad Urian, Best Picture at Best Director para kay Burgos sa ika-73 FAMAS Awards.

Itinampok ang pelikula sa taunang film screening ng Thomasian Film Society na pinamagatang “Pelikulang Pilipino: Kamalayan at Kaalaman sa Pamamagitan ng Lente.” Ginanap ito sa Albertus Magnus Auditorium nitong Disyembre 4, na sinundan ng isang talkback session kasama si Burgos.

Ningas

Dalawang araw pa lamang matapos ang pagdakip sa kanyang kapatid, naisipan na nina Burgos simulan ang pagkuha ng mga video bilang tala ng mga ebidensiya. Ang mga nakalap na tagpo ng pagdakip ang nagbigay daan sa pagsibol ng Alipato at Muog.

Nabanggit ni Burgos na bagamat naghihintay pa siya ng “happy ending,” naudyok siyang gawin na ang pelikula matapos makakilala ng isang batang aktibistang hindi nakaaalam sa kuwento ng kanyang kapatid.

“Heartbroken ako, not because she doesn’t know the case of my brother. Heartbroken ako kasi responsibility namin ‘yun na ikwento ang pelikula,” ani Burgos sa isinagawang talkback.

(Nadurog ang puso ko, hindi dahil hindi niya alam ang kaso ng kapatid ko. Nadurog ang puso ko kasi responsibilidad namin ‘yun na ikwento ang pelikula.)

Ibinahagi niya na ang pinakamahirap na bahagi sa pagbuo ng pelikula ay ang pangangailangang balikan ang lahat ng kanilang pinagdaanan.

“Gumagawa naman ako ng ibang pelikula noon about human rights, about abuses, pero ‘yung ibang pelikulang ‘yun ay pwede ako umuwi sa bahay at pakalmahin ang sarili ko at itulog ko. Ito hindi; pag-uwi ko sa bahay, bitbit ko,” saad ni Burgos.

Peligro ng paratang

Para sa direktor, ang pagkakakabit ng aniya’y malisyosong taguri kay Jonas Burgos, kanyang kuya, ang isa sa nagdala sa kanya sa peligro. Ang panaghoy niya: makatarungang paglilitis.

“One time, nagpa-press con ‘yang isang general ng Philippine Army.  Sabi niya, ‘NPA (New People’s Army) ‘yan si Jonas.’ So sinagot na namin siya, ‘Is that the reason why you abducted our family member?’ Since then, tumahimik siya,” ayon sa kanya.

‘Subersibo’

Sa kabila ng mainit na pagtanggap rito noong Cinemalaya 2024, binigyan ito ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng rating na X, na nangangahulugang hindi ito maipalalabas sa mga pampublikong sinehan. Itinuring ito ni Burgos bilang “pagpapatahimik.”

“There were attempts for the film to be silenced, pero gano’n din ang ginawa nila sa mga dinukot nila. They want them to be silenced as well because they are fighting for something; they are fighting against corruption, they are fighting for just wages, fighting for land for the farmers, and there are forces who don’t want that,” ani Burgos.

Mandato ng MTRCB pangasiwaan ang industriya ng pelikula at telebisyon sa bansa.  Kabilang sa tungkulin into ang bigyan ng rating ang mga palabas, gaya ng G na maaaring panooring ng lahat at X na bawal ipalabas sa publiko.

Sinabi rin diumano ng MTRCB na bawal sa kanilang mandato ang ‘maka-kaliwang tindig’ ng isang bahagi ng pelikula.

“[W]e asked, what specific part of the film? Sabi niya, ‘Dun po kasi sa huli, sumisigaw kayo [ng] ‘ipaglaban,’” saad ni Burgos sa talkback session.

Sabi ng MTRCB sa kampo ng direktor, baguhin daw ang ilang eksena, at baka isaalang-alang nilang palitan ang rating. Ipinasa nilang muli ang pelikula at nakakuha ng markang R-16; wala silang binago.

“Fortunately, dahil maingay ang mga kasama namin sa industriya ng pelikula ng Pilipino, nag-rally kami sa labas, nanindigan kami, inalis ‘yung X-rated, at pwede kong ipalabas sa inyo ngayon,” ani Burgos.

Isinaad din niya na tinututulan niya at ng ilan sa kanyang mga kasamahan sa paggawa ng pelikula ang pagpasa ng Senate Bill 2805 na naglalayong palawigin ang maaaring saklawan ng X-rating ng MTRCB.

‘Pagmamahal, hindi tapang’ 

Sinabi ni Burgos na ang pagmamahal ng kanyang pamilya at sa kanyang kuya ang pinaghuhugutan nila ng lakas para patuloy na hanapin ang katarungan.

“‘Ang tapang,’ pero sa totoo, pagmamahal, hindi ‘yun tapang. Imaginin niyo, si Jonas, one of these days, lumabas siya or mag-surface siya, ‘tapos nalaman niyang hindi kami nag-iingay, heartbreaking ‘yun para sa kanya, at ayaw naming mangyari ‘yun,” ani Burgos.

Ayon pa sa kanya, nakatutulong sa pagpapagaan ng damdamin ng pamilya ng mga desaparesido of nawawala ang makita na marami ang nakikiisa sa kanilang adhikain.

“Feeling ko, mahirap na mahanap si Jonas ngayon, in whatever state he’s in. . . Pero ngayon sa mga ganitong ginagawa natin, feeling ko, I see my brother in all of you,” pahayag ni Burgos sa talkback session.

“Feeling ko paglabas, pagkatapos ng credits at paglabas natin, hindi na lang kami sumisigaw ng paghahanap kay Jonas kundi feeling namin, lumalaki ang pamilya namin. Lahat ng audience namin, pakiramdam namin, pamilya na rin namin naghahanap ng katarungan at naghahanap kay Jonas,” dagdag niya.

Sa pagtatapos ng talkback ay binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipaglaban sa kawalang-katarungan.

“Manindigan kayo na may ganitong mga kaso at ayaw niyo nang mangyari ito, kasi kung hindi kayo manindigan ngayon, mangyayari pa ito sa mga apo ninyo, sa mga anak ninyo.”F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us