Ang Panandaliang Hugis ng Usok

 

video by Yanina Alison Baltazar/ THE FLAME

 

ANG NAKASANAYAN nating gawi pagsapit ng dilim,
umaasa sa kahel na ilaw sa dulo ng ating mga daliri.
Naghihimagsik, nagpaparaya, magkaramay gabi-gabi.

Nagbiro ka noong napatid ka at nahulog ang labi mo sa nakasinding baga sa kalsada,
Ngayon tayong dalawa’y umaasa sa usok ng isa’t isa para sa panandaliang ginhawa.

Para tayong dalawang alitaptap sa dilim,
sumasayaw
at ginagawang sandata ang nagniningning nating buntot.

Mula sa gasgas ng gatong ay kumalat ang baga,
kumalat nang kumalat, at kalaunan binalutan na
ng upos ang tuyo nating lansangan.
Hanggang sa ‘di na natin namalayan na
niyayakap na nito ang buong Kamaynilaan.

Sa balat ko at sa balat mo, sumasagi ang palaisipang
pakalmahin ang namumulang mga paso at pantal.
Ngunit hindi ko inasahan na isa lang sa ’tin
ang umanyo sa panandaliang hugis ng usok
at tinangay ng hangin papalayo sa akin.

Kaya narito pa rin ako ngayon:
Naghihintay,
umaasang
kapag umapaw na ng aspalto ang baga ko,
babalik ka, at itatapal ito sa lubak na kalsada
ng puso kong baku-bakong
nananabik sa init mo. F

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us