
TAHIMIK lahat. Nag-iisang dibdib ang katawan
at kaluluwa. Hawak-hawak ko ang lubid,
pinagpapasa-pasahan, pilit tinutuwid ang
daloy ng mga debotong gaya ko. Sa loob
ko taimtim na nagmumuni-muni, “Ilang kamay
na ang humawak dito?” Sa pag-iisip ko ako’y
nawala, naamoy ang amoy ng insenso’t sigarilyo,
kumakapit sa baga kong makasalanan,
nagmamakaawang pagbigyan ko sa paghinga
kahit ayaw ko na—matagal na. Sa mga tabi’y
may kandilang sinisindihan, taimtim ang dasal
ng mga kamay, bumubulong upang mapakinggan
ang hiling. Mga apoy na sumasayaw kasabay
ng hangin, umaasang maririnig sa libo-libong
panalangin. Sa isip ko, ako’y nagtirik din. Hindi
pula, hindi rin dilaw, kung hindi ay kulay puti.
Tipo ng kulay na iniaalay sa puntod kong
‘di pa gawa’y nagtitirik na ako araw-araw.
Tirik pa rin ang araw, mabagal at mabigat pa rin
ang daloy ng tao, sanay sa pasaning dalhin
ang mga pusong tila ayaw nang tumibok.
Ramdam ko ang bigat ng lubid sa kamay ko.
Ang bagay na gabay sa pananampalataya nila’y
maaaring gabay ko na sa pamamaalam. F
