
SIGURO KUNG puwede, hinalikan na kita. ‘Di ko naman dinadamdam sa gabi na maraming puwedeng makakita sa ‘tin—prof ko, prof mo, kasama ko sa trabaho, pati nga kung sino mang Diyos na nasa itaas. Pero hindi puwede. mawawala ka at mawawala ako. Maaaring mawala pa tayo sa buhay ng isa’t isa.
Pasensya na kung kailangang tago ang bawat hawak ko sa kamay mo. Alam mo naman ipagyayabang kita kung puwede lang, ngunit hindi atin ang mundo. Nakikitira lang tayo.
Dahil wala pa tayong sariling tahanan, magbahay-bahayan muna tayo sa apartment ng isa’t isa. Bibili tayo ng ulam sa karinderya, at magrereklamo sa tuition ng magiging anak natin. Iisipin mo kung bakit biglang nagmahal ang kuryente, pero huwag mo na alalahanin ‘yon, mas mahal pa sa gastusin ang pag-ibig ko sa’yo.
Gusto na naman kitang halikan, lalo na’t sa katotohanan ko’y pinag-iba ko na’ng lugar na nagkukulong sa ‘yo at sa ‘kin, sa dalawa nating pusong tila natatakpan, gaya ng buhok mong nakaharang sa mga mata mo.
Dito sa labas, wala nang nanonood sa atin. Unti-unting liliit ang distansya ng ating mga mukha, pero wala tayong dapat katakutan. Kahit gaano kalapit pa tayo sa isa’t isa, dito, wala nang parusa.
Ngunit dahil sa ingay ng paligid, babalik tayo sa katotohanan. Tanggappin na lang muna natin na sa ngayon, mananatili tayo sa dilim; kailangang magtago hanggang may mga matang nakatingin. Kaya bago tayo makulong ulit, iiwan ko ang init ng aking palad sa balat mo, isang marka ng buhay na tayo lang ang may alam. F
