Ang kamay kong hawak ni mama ay nangangati nang magpumiglas. Nagsasawa na ako sa sagot niyang “hindi pwede” habang pinipilit ko siyang payagan akong sumakay sa ride. Gusto kong malaman kung anong tumatakbo sa isip ng isang taong nag-aasam na maabot ang langit kahit alam niyang anumang oras, siya ri’y babagsak. Mas mangingibabaw pa rin ba ang takot niya kaysa galak?
Ang ideya na ito ang nagtulak sa akin na bitawan si mama at kumaripas ng takbo. Bawat hakbang palayo sa kanya ay bumibigat ang aking loob. Nilingon ko siya at nakita ang takot at galit sa kanyang mga mata.
Hindi na nagkaroon si mama ng pagkakataong mahabol ako nang agad akong umupo sa ride at hindi nagdalawang isip na isuot ang seatbelt. Ilang saglit pa’y dahan-dahan akong umakyat hanggang sa maabot ko ang tuktok kung saan mas bumigat ang kabang namumuong parang batong nakadagan sa aking dibdib. Sumulyap ako sa ibaba, sinuri kung anong nasa ilalim ng mga paa kong nakalaylay. Nakita ko ang laki ng distansya ko mula sa lupa na siyang nagparamdam sa akin ng panliliit.
Tinitigan ko ang hubad na kalawakan ng buong siyudad, ito ang mundong patuloy na ipinagkakait sa akin ng mundong hindi ko magawang tuklasin dahil sa takot ni mama na magkamali ako o masaktan. Sa bigla at mabilis na pagbagsak ay ang pagsapit ng katotohanan—katotohanan na hindi ako naging masaya na ako’y nagdulot ng galit sa aking ina. F
Words by IRA MINELLA D. MILAG
Photo by KATHLEEN MAE I. GUERRERO