Photo of the Week (08/21/2016)

Photo of the Week

NASISILAW KA ng sinag ng araw na sumisilip sa mga bintana ng iyong kwarto, at naririnig mo ang mga ingay sa bahay na nagpapahiwatig ng bagong umaga, ngunit hindi ka tunay na gising.

Ito ang oras kung kailan ka didilat at tatayo galing sa iyong kama. Aayusin mo ang iyong higaan, at tititig sa maputla mong repleksyon sa salamin. Bababa ka na ng kwarto at tutungo sa hapag-kainan, kung saan mag-uugnayan ang iyong pamilya na tila hindi batid ang iyong presensya. At habang nangyayari ang mga ito, pinipilit mong kumbinsihin ang iyong sariling gising na ang iyong diwa, at handa kang labanan ang mga nakalatag na pagsubok para sa iyong araw.

Hindi ka pa gising. Nagigising kang tunay sa paglubog ng araw.

Habang kinakain ng kadiliman ang liwanag, dadalhin ka ng mga pagod mong paa pauwi sa iyong tahanan. At sa bawat hakbang ng mga pagal mong talampakan, unti-unti ang pagmulat ng iyong mga mata. At kapag tuluyan nang nilamon ng gabi ang araw, habang maayos kang nakahilata sa iyong kama, dadagsain na ng magugulong bagay ang iyong isipan—tulad ng kawalan ng kakayahan mong makaramdam, at ang dahilan kung bakit tila mas napapagod ka sa kada galaw ng mga kamay ng orasan. Ang mga ito ay simple ngunit nakaaabalang mga bagay na pinipigilan kang isara ang iyong mga mata, at pinipwersa kang maging gising buong gabi.

Ilang oras na lamang, muling sisikat ang araw at maririnig mo na naman ang mga ingay sa bahay. Masisilaw ka ulit ng mga sinag ng araw na pilit pumapasok sa iyong kwarto. Gigisingin ka muli ng bagong umaga. At hindi ito magtatagumpay.

Dahil ang diwa mo ay nakatayo sa gitna ng kawalan. At ang mga ligaw na kaluluwa ay hindi nagigising sa pagsikat ng araw. F

Words by CORHEINNE JOYCE B. COLENDRES
Photo by KATRINA MAE H. MARCOS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us