Ang Mga Walang Pangalan
Umaapaw na ang mga sari-saring bulaklak
sa labi ng batong balon.
Humahapon sa gilid, pakalat-kalat
tulad ng mga taong nakikiramay
sa matagal nang patay at kanyang kaluluwa’y gala sa umaga.
Malamig na hangin hudyat ay gabi,
pumapatid sa pagitan ng mga paa namin.
Pawisang nakipagkumpulan sa tapat ng simbahan,
tahimik na winawagayway ang plaka,
protesta naming mga nakakaalala.
Sa pangalawang kalembang ng kampana,
nagsilabasan ang mga tao.
Sa loob ng dibdib ko’y halos
marinig ko na ang paunang musika ng Bagong Lipunan.
Ilang rebulto at kuwadro sa museo pa ba
ang dapat ipatayo para tayo ay makaalala?
Ilang beses na tayong bumisita at nagpabalik-balik
sa mga pruweba ng dati nating pagkawasak.
Hanggang sa ngayon,
hindi katumbas ng arok ng balon
ang pinagpatung-patong na bangkay,
noong kanyang panahon.
Hindi tulad ng bangungot noong isang gabi
na pwedeng itulog muli kahit bukas ang ilaw,
at sabihin na malilimutan mo rin ‘yan sa pagdating ng araw.
Kung ‘di parang lagnat na hindi kayang mawala
kahit anong kapal ng kumot
mapalabas lang ang pawis sa katawan. F
Words by ANDREA JAMAICA H. JACINTO
Photo by KATHLEEN MAE I. GUERRERO