Atubili

Photo by Shana Angela S. Cervania/ THE FLAME

ILANG BESES na akong hindi nakabangon sa aking kama dahil sa bawat pagsapit ng umaga, may panibagong dahilan na naman ang aking katawan: kawalan ng gana, lumbay, o pagod. Hindi ko na mabilang kung ilang gabi nang ako ay nakalatay: tila suspendido, tiwangwang sa pagbihag ng oras at puwang. Sa aking paghiga, inaalala ko ang aking mga atubili sa buhay bilang isang estudyante. Hinihiling ko na maibalik ang mga sandali o panahon para punan ang mga pagkukulang at habulin ang mga pagkakataong naglaho nang parang bula. Walang hinihintay na sinuman ang oras, kaya kinakailangan pilitin ang katawan na bumangon para harapin ang buhay.

Lumipas muli ang mga taon at panibagong mga mukha na punong-puno ng sigla ang bumungad sa akin. Halata ang pag-asa sa kanilang mga mukha at nagniningning ang kanilang mga matang mausisa. Sila ang bagong henerasyon ng mga mag-aaral, nagmamartsa pasulong sa kinabukasan na kanilang inaasam.

Hindi ko napigilan ang sarili na ngumiti habang minamasid ang mga estudyanteng papasok ng kolehiyo na puno ng galak, sapagkat naalala ko ang sarili na minsa’y naging puno rin ng ligaya at sigasig. Sila ang aking paalala kung bakit naririto ako sa kolehiyo ngayon, patuloy na lumalaban sa mga hamon ng buhay. Sa kanilang pagmartsa patungo sa arko, sabay na aabante rin ako. Tulad nila, babangon na ako sa aking kama upang habulin ang mga pangarap at pagkakataon na walang pag-aatubiling ibabaon. F – ADRIAN PAUL L. TAÑEDO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Related Posts

Contact Us