MARAHAN NIYANG kinabig ang pinto papasok sa bulwagang dumadarang sa kahapon upang maghanda patungo sa bagong yugto. Sandali pa ay tila alikabok na tinangay ng hangin ang upos ng kanyang nakaraan; wala siyang nagawa kundi lumingon nang may hikbi. Ngunit nang muling bumaling sa liyab, ang bumati sa kanya ay bulwagang tigmak sa mga bagong palamuti. Pagkamangha at takot ang kanyang nasambit sapagkat kasama nito ay matang lagkit sa pag-usisa sa kaunting kislot na hindi sinasadya.
Sa pagbagtas sa bagong daan ay kanyang nagisnan ang mga labing walang taginting, ngunit sa kumpas ng mga ito ay batid niya ang kanilang panguuyam at agam-agam. Ang kanyang dating matikas na tindig, ngayon ay nagbabadya na ng pagaalinlangan. Hindi tuloy niya napansin ang pagdampi ng ibang tulad niya na bagong sibol na butil sa estrangherong lupang pagpupunlaan.
Nang matapos ang masilakbong simula ng biyahe, hindi nila nakimkim ang kanilang saya at tanging pagpalahaw ang nangibabaw sa limpak ng bagong binhi. Hitik man ang pagsubok sa hinaharap, hindi nito masisikil ang katotohanan na ang bawat munting yapak nila ay simbolo ng progreso at paguumpisa ng bagong kabanata sa kanilang misyon bilang bagong binhi ng bayan.
Maaari mang pausbong pa lamang ang kanilang ugat ng karunungan, ngunit pagdating ng tamang panahon, ang hilaw at mapaklang bunga sa kanilang mga sanga ay magiging matamis at hinog na prutas: maaari nang pitasin at anihin, ipamahagi at pagyamanin, at magiging punla ng mga binhing sa bukas ay siya ring magbibigkis. F – Ryan Piolo U. Veluz