LUMILIPAS ang mga oras na ipinagkaloob ng Poong Maykapal sa akin, bilang paalala na ang panahon ko dito sa mundo ay pansamantala lamang. Hindi ako hihintayin ng oras kahit marami akong pangarap sa aking buhay na pilit kong hinahabol araw-araw. Ito ay isang babala na tila gumugulantang sa aking isipan, kaya hindi ko mapigilan ang pagbilang sa bawat segundo na dumadaan. Paminsan-minsan ay nahuhuli ko ang aking sarili na nagmamadali para lang makamit ang mga ambisyon na ito—kahit natatapilok na, patuloy pa rin sa paghabol dahil tinuruan ako na ituring ang bawat araw bilang karera. Leksiyon sa akin na huwag tumigil para sa kahit ano o kahit na sino, dahil ang kahulugan nito ay pagiging huli sa pagtamo sa mga oportunidad sa buhay ko.
Ako ay isang biktima ng mga salamangka ng mundo: pagnanais ng magandang estado sa lipunan, pagtupad sa mga hiling, at pag-asam ng salapi. Nasa aking kamalayan na hindi dapat ako nasisilaw sa pag-akit ng mga makamundong kayamanan. Tila nabubulag ako sa mga importanteng aspeto, tulad ng pagmamahal at pagmamalasakit, dahil ang nakikita lamang ng aking pangitain ay ang mga bagay na kumikislap sa distansya. Nang dahil dito, nakakalimutan ko na tumigil at pagmasdan ang aking kapaligiran dahil isang malaking sindak ang matalo sa karera ng buhay. F – ADRIAN PAUL L. TAÑEDO