MASASAYANG ingay at tawanan ang sumalubong sa akin paglabas ko ng fakultad. Daan-daang estudyante ang nakaabang at nakapila para dumaan sa arko.
Tumungo ako papunta sa kanila, nagbabalak na makisingit sa makikipot na espasyo ng kanilang pila. Mayroon akong pupuntahan, at sila ay nakaharang sa daan.
Sa aking pagbagtas, tanging pasintabi ang bukambibig at paghawi sa mga balakid ang aking nagawa. Pagkayamot ang sa aki’y namutawi.
Ano ba talaga ang natatangi sa Arko ng mga Siglo? Isa lamang itong labi ng nakaraan na tinabang at kinupas na ng mga nakalipas na panahon.
Sa paghahanap ko ng sagot ay naalala ko ang aking karanasan.
Mainit nang araw na iyon. Tanda ko pa ang pagtagaktak ng aking pawis pati na rin ang pagkangawit ng braso mula sa kahahawak ng libreng payong.
Isang oras na yata ang lumipas ngunit kami ay nakaantabay pa rin sa tabi.
Naiinip na ako. Malapit na kami sa aming destinasyon ngunit madalas pa rin ang aming pagtigil. Sa nauubos kong pasensya, bawat segundo ay mahalaga at ito ay lumilipas nang kaybilis.
Umusad na muli ang pila at namalayan kong kaharap ko na pala ang arko. Napagtanto kong higit na mas malaki at engrande ito kumpara sa unang sulyap.
Yumapak ako paloob.
Ito ang arkong dinaanan ng mga mag-aaral ng naunang henerasyon, pinasukan maging ng mga pinakahuwaran na Tomasino.
Sa hinaharap, alam kong mapabibilang din ang aking pangalan kasama nila.
Sa isang kisapmata, nagsimula na ang panibagong yugto ko bilang isang Tomasino. F LORRAINE SUAREZ