NOONG ako ay bata pa, imahe mo ay siyang dinasalan. Lumuhod ako sa iyong harapan, at nanalangin para sa iyong pagdinig ng aking mumunting hiling. Maliit lamang ito na bagay — isang bagong laruan. Ayaw kasi ako bilhan ni nanay, kaya ikaw muna ang inasahan. Sa aking pananalangin, mahigpit ang paghawak sa limampu’t siyam na manik at taos-puso ang pagbigkas sa mga misteryo. Ito ang itinuro sa aking gagawin sa mga panahon ng pagkadismaya.
Lumipas ang mga panahon. Nakatungtong na ako ng kolehiyo sa Maynila. Kinalakihan ko na ang aking mga damit, at ang mga payo naman ni nanay ay ipinagkibit-balikat na lamang. Iba na rin ang aking hanap; hindi na mga laruan, kundi isang senyales na sumasagot kung tama nga ba ang aking napiling landas sa buhay
Nagkaroon ng programa sa aming pamantasan nang isang araw. Ngunit bago magsimula ay isinagawa muna ang pagdarasal. Natanaw ko ang paglabas ng iyong rebulto, pati na rin ang iyong mala-anghel na mukha, at kamay na may bitbit na rosaryo. Nadama ko ang paghihigapis ng aking puso. Sa mga oras na iyon, naalala ko ang lahat ng sabi ni nanay: magdasal kapag nanganganib ang puso.
Taimtim akong nanalangin: sinamba ko ang iyong pangalan, humingi ng tawad, nagpasalamat, saka isinalaysay ang aking mga pinagdadaanan. Sa ngayon, alam kong hindi mo agad masasagot ang aking kahilingan, ngunit sa tuwing ikaw ay nasisilayan ay tila nawawala ang masasamang karamdaman at naaalala ang iyong mabuting hangarin para sa aking kinabukasan. F MARIA PAMELA S. REYES