Napuno ng kantahan at tawanan ang sala ng aming bahay. Habang hawak ko ang gitara ay masayang nakisabay ang aking mga kaibigan. Matagal na akong hindi nakatutugtog kaya’t lubos kong ikinagalak nang dalhin ito ni Rj upang magpaturo sa akin. Tila ba’y matagal nang hinahanap-hanap ng aking kalooban ang mga notang dati ay araw-araw kong pinaglalaruan.
Natigil ang aming tugtugan nang dumating ang aking nanay na may dalang isang pitchel ng orange juice. Matapos niyang ilapag ito sa mesa, naisipan niyang banggitin sa mga maiingay at magugulong kong kaibigan ang aking “music phases” noon. Alam kong magiging katuwaan nila ito kaya’t laking tuwa ko nang maudlot ang kaniyang kwento dahil sa pagtunog ng telepono.
Hindi ako nagkamali sa pag-iisip na ako’y kanilang aasarin pagkaalis ni nanay ng sala. Ngunit bago pa man ito magpatuloy, tumingin sa akin si Rj at nagtanong. “Bakit hindi mo na lang kinuha ang kursong Musika?”
Lubos siyang pinagtawanan ng aming mga kaibigan. “Nagbibiro ka ba, Rj?” Hirit pa ni Elmer. “Walang pera sa musika. Sayang utak niya roon.”
Pagbitaw ng mga salita na iyon ay para bang ibinalik ako sa nakaraan, ilang buwan bago magsimula ang kolehiyo. Matawa-tawa ring sinabi ng aking tatay noon ang mga salitang iyon nang banggitin ko ang kursong ninais kong kunin. “Anak, walang lugar ang isang musikero sa pamilya ng mga doktor.”
Pinagmasdan ko ang aking mga nagtatawanang mga kaibigan at sinubukan na sumabay sa kanila, pilit na binabaling ang atensyon palayo sa kirot ng pangarap na kailanman ay hindi matutupad. F ABIGAIL M. ADRIATICO