“EGO SUM, ego existo, certum est,” o sa salin ng isang Tomasinong propesor, “Narito ako, umiiral ako, tiyak iyan.”
Matatagpuan ang pundamental na katagang ito sa “Mga Meditasyon Hinggil sa Unang Pilosopiya,” isang akdang pilosopikal ni René Descartes — ang tinaguriang “Ama ng Modernong Pilosopiya” — na unang inilathala halos 400 na taon na ang nakalilipas.
Nitong Enero, inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang salin ni Assoc. Prof. Emmanuel de Leon — isang propesor mula sa Departamento ng Pilosopiya ng Pakultad ng Sining at Panitik (AB) — sa esensiyal na akdang ito, mula sa Latin tungo sa Filipino. Sa buong kasaysayan ng Pilipinas, ngayon lamang ito naisalin sa Filipino.
“Ito ay para magkaroon din ng mataas na kaisipan ang mundong Filipino gamit ang wikang Filipino,” ani de Leon sa isang panayam ng The Flame.
Noong 2018, ipinagkatiwala ng KWF ang proyektong ito kay de Leon bilang bahagi ng “Aklat ng Bayan,” isang serye na nagsasalin ng mga klasikong akda tungo sa mga wikang katutubo.
Sa loob ng limang taon, binaybay ni de Leon ang mundo ng pagsasalin, mula sa panahon ni Descartes hanggang sa kasalukuyan, dala ang adbokasiya ng katutubong mukha ng pamimilosopiya sa bansa.
Hámon ng tagasalin
Nalaman ni de Leon ang kahalagahan ng mga akda ni Descartes, partikular na sa “Mga Meditasyon,” noong siya ay nag-aaral ng pilosopiya sa Saint Augustine Seminary, sa Oriental Mindoro — ang kaniyang probinsiya. Kalaunan ay nagturo rin ng pilosopiya si de Leon sa naturang seminaryo.
Sa librong ito, ipinaliwanag ni Descartes ang pangangailangan sa “metodikong duda,” isa sa mga mahahalagang konsepto sa modernong pilosopiya. Dito rin pinatunayan ni Descartes ang katibayan ng pag-iral ng isang sarili dahil ito ay nag-iisip.
“Napakahalaga ng metodikong duda sa lipunan natin ngayon na puno ng lies, fake news, mga movies na ginagawang propaganda,” wika ni de Leon, sabay tawa.
Ang mga ito ang humikayat sa kaniyang tanggapin ang hamon ng pagsasalin.
Isa pa sa mga nagtulak kay de Leon ay ang kakulangan ng mga panturong materyales na nakasulat sa Filipino.
“ ‘Yan ang isa sa mga suliranin kung nagtuturo ka ng pilosopiya sa wikang Filipino,” ani de Leon. “Kailangan may magsimula sa adhikaing iyon.”
Hindi lamang kahulugan sa mga salita ang tinatawid ng isang tagasalin, kundi maging ang konteksto at kulturang nakapaloob sa isang teksto at wika.
Ito ang unang problemang hinarap ni de Leon. Bagaman may kaunti siyang kasanayan sa wikang Latin, mula sa kaniyang karanasan sa seminaryo, mahirap nang balikan kung paano ito ginamit sa ordinaryong salitaan noong panahon ni Descartes.
Kasama ng kaniyang mga patnugot, nagpasya silang magbase sa “pinakamahusay na version sa Ingles” — ang salin ni Elizabeth Haldane, na unang inilathala noong 1911. Gayunman, paminsan-minsan ay sinuri niya rin ang orihinal na akda sa Latin.
“Iba ‘yung sentence construction nila, parang hindi Philippine English,” ani de Leon. “ ‘Tsaka ang haba ng mga statements ni Descartes. Kung pasisimplehin mo naman, baka hindi maging faithful doon sa original text.”
Sinikap niyang palalimin ang kaniyang kaalaman tungkol kay Descartes — ang kaniyang buhay, kultura, estilo ng pagsulat — at maging ang mundo noong ika-17 siglo, upang makuha ang diwa ng orihinal na teksto.
“Mayroong hindi gramatikang aspekto ang isinasalin na teksto,” paliwanag ni de Leon. “Iyon ang kailangan mong hanapin din — kung ano ang mga nuance ng statement ni Descartes.”
Kuwento ni de Leon, nahirapan siyang isalin ang ambiguity, o kalabuan, na pangunahing katangian ng mga akdang pilosopikal.
“Sinasadya ng mga philosopher gawing thought-provoking ‘yung kanilang mga statement,” wika niya. “ ‘Yun ang beauty at strength ng philosophy — ‘yung ambiguity. Paano mo isasalin ang ambiguity?”
“It took five years para magkaroon ako ng lakas ng loob na i-publish ito,” sabi ni de Leon.
“Wala namang perpektong salin. Sabi nga ng isang tagasalin, ang pagsasalin ay isang pagtataksil. ‘Yun ang sarili mong interpretasyon sa teksto.”
Isang patakaran
Filipino na ang wika ng pamimilosopiya ni de Leon magmula pa noong siya ay nagsimulang magturo.
Maging ang mga dakilang gawa ng mga banyagang namimilosopo, tulad nina Aristotle at Immanuel Kant, ay hindi ligtas sa panuntunang ito dahil ang kaniyang mga babasahín sa klase ay nakasalin din sa Filipino.
Ayon kay de Leon, isa itong patakarang naipamana sa kaniya ng kaniyang mga araw sa seminaryo.
“Meron na akong exposure sa ganoong sistema [ng pamimilosopiya sa Filipino], kaya nadala ko iyon sa pagtuturo ng pilosopiya,” ani de Leon.
Kuwento niya, binuksan ng kaniyang mga guro sa seminaryo ang kaniyang isipan sa pamamaraang ito. Dahil dito, patuloy na nagiging parte si de Leon ng isang mahabang kampanyang nagsusulong yakapin ang Filipino bilang wikang intelektuwal — ang “Filipinisasyon.”
Wikang naiintindihan
Umusbong ang Filipinisasyon sa pangunguna ng isang Heswitang propesor sa Pamantasang Ateneo de Manila — si Fr. Roque Ferriols, S.J. Ipinagdiriwang ngayong taon ang sentenaryo ng kaniyang kapanganakan.
Taong 1969, sa pinakaunang pagkakataon, itinuro ni Ferriols sa kaniyang mga “eksperimental” na klase ang pilosopiya gamit ang Filipino. Higit na makabago ang pamamaraang ito noong panahong iyon. Ingles pa ang tanggap na wikang ginagamit sa mga unibersidad — lalo na sa Ateneo, na pinamumunuan noon ng mga Heswita mula sa Estados Unidos.
Sa labas ng mga pader ng pamantasan, pinapalakpakan ng madla ang mga politiko at lider ng simbahan dahil sila ay madaling naiintindihan: Filipino kasi ang gamit nila sa kanilang mga talumpati at sermon. Sa mga radyo, Original Pinoy Music o “OPM” naman ang tumutugtog, at dumarami rin ang mga “popular” na pantikang nakasulat sa Filipino.
Ito ang nag-udyok kay Ferriols na gamitin ang wikang naiintindihan ng karamihan sa pamimilosopiya. Ang wika ay daigdig ng tao, ani Ferriols, at ang paggamit ng sariling wika sa pamimilosopiya ay nagbibigay ng malalim na pagtingin at pagdama sa sarili at sa mundo.
Ganito rin ang pananaw ni de Leon.
“Laging sinasabi ng mga guro ko sa seminaryo na kailangang nakaugat tayo sa lipunang ginagalawan. Kaya, kung namimilosopiya ka sa lipunang Pilipino, dapat hindi ka lutang o nakahiwalay dito,” wika niya.
“Halimbawa, Tagalog kayo, mag-Tagalog kayo sa pamimilosopiya. ‘Pag-Cebuano kayo, Cebuano.”
Dagdag pa ni de Leon, mayroong mas malalim na epistemolohikal na dahilan ang paggamit ng Filipino.
“Kung paano umuunawa ang tao, nandoon sa wika. Nilalaman ng wika ang mga kahulugan, mga karanasan ng taong gumagamit nito,” sabi niya.
“Kayang-kaya ng wikang Filipino na kargahin ang mga kaisipang pilosopikal — kasi wika ito. Hindi lamang wikang Ingles, Griyego at Pranses ang may kakayahan noon.”
‘Grand project’
Sa kasalukuyan, patuloy na sumisigla ang disiplina ng pagsasalin sa bansa. Ayon ito kay Assoc. Prof. Wennielyn Fajilan, pinuno ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, na itinatag noong 2019.
“Maraming mga interesado pa ring magsalin, at tuloy-tuloy ang pagkakaroon ng mga translation centers,” ani Fajilan sa The Flame.
Para kay Fajilan, higit na mahalagang ipagpatuloy ang mga proyektong salin tulad ng kay de Leon.
“Iyong pilosopiya ni Descartes, kung makapapasok siya sa sensibility natin at mauunawaan natin ‘yung kaniyang mga kaisipan, makakadagdag siya doon sa spectrum ng pilosopiyang Pilipino.”
Gayunman, malaki pa rin ang trabahong nakaabang sa mga Pilipino tungo sa intelektuwalisasyon ng Filipino.
Bagaman kinikilala ni de Leon ang pag-unlad ng pagsasalin sa bansa, nakikita rin niyang marami pa ring Pilipino ang mayroong mababang pagtingin sa sarili nilang wika.
“Bahagi na ‘yun ng ating colonial experience,” sabi niya. “Minsan ginagamit nating second option lamang ang Filipino. Malaki pa rin ang kailangang trabahuhin para baguhin ‘yung kaisipang iyon.”
Ayon naman kay Fajilan, karamihan sa mga larangan ngayon ay nasa Ingles pa rin — maging ang mga batas na ipinapatupad ng pamahalaan. Ito ay nagdudulot ng “dambuhalang paghahating pangkultura.”
“Inclusivity din ‘yung titignan natin,” sabi niya. “What if pati ‘yung pangkaraniwang mamamayan nakakaintindi at nakaka-express din ng mga bagay-bagay na pinag-aaralan sa akademya? Hindi ba napakaganda?”
Ang intelektwalisasyon ang “grand project,” dagdag niya.
“Ito ang pinakamahalagang proyektong pang-wika na dapat mangyari sa Pilipinas. Kung gusto nating maging demokratiko ang edukasyon ay dapat maging inclusive ‘yung kaalaman para sa lahat.”
Ang layunin ng pagbuo ng inklusibong wika ay hindi lamang para sa Filipino kundi para sa lahat ng wika at diyalekto ng bansa.
“Wika rin siya ng pagpapalaya para sa mas nakararami — nagbibigay ito ng access sa iba’t ibang mga oportunidad doon sa mga larangan na ‘yon,” ani Fajilan.
“Ang intelektwalisasyon ay sana maging praktikal — na pinapatalino mo ‘yung lipunan gamit ‘yung wikang mas naiintindihan nila.”
Sa ngayon, plano ni de Leon na itutok muna ang kaniyang atensyon sa pagtuturo sa UST at sa pag-aaral ng abogasya sa Arellano University. Ngunit mayroon din siyang “on-the-shelf” na proyekto tungkol sa isang Pilipinong namimilosopo.
Umaasa siyang makita ang patuloy na pag-unlad sa paggamit ng Filipino, upang madagdagan ang nasimulan na sa kampanya ng Filipinisasyon.
Naniniwala si de Leon na maliwanag ang hinaharap ng pamimilosopiyang Pilipino.
Nangangarap siya na ang Filipino at ang iba pang mga katutubong wika, tulad ng Cebuano, Ilokano, Aklanon, ay kusang makabuo ng mga “wikang pilosopiko” — isang antas ng wika na magbibigay sa Pilipinas ng sariling tinig sa mundo ng pilosopiya.
“Malakas ang loob ko na mangyayari ito kasi maraming Pilipino ang namimilosopiya.” F — with reports from Arabella Peñaranda
Salamat sa pahiwatig.Salamat sa inspirasyon,para mas lalo nating linangin pa ang wikang Filipino.Patuloy nating bigyang halaga ang wikang Filipino…ang wikang mapaglaya.Mabuhay !