Editor’s Note:
In line with the 44th anniversary of the declaration of Proclamation 1081 as the law of the land, the Flame will post a series of articles written by the publication’s former staffers during the Martial Law period.
The Flame, being one of the student publications who continued its fearless reportage during those tumultuous times, believes that we—both the young and the old—should never turn a blind eye and forget the atrocities and plunders during Martial Law. It is our duty as members of the press to enlighten the Filipinos about that dark period in the country’s history.
(This poem was originally published in The Flame Vol. 13, No. 1 issue)
Ang bulok na lipunan ay saan nga ba nanggaling,
Ano ba ang naging sanhi’t tayo ngayo’y nasa dilim?
Ni anino ng buhay ay hindi natin masalamin
‘Pagkat tayo kaibigan, kailan pa lang nagigising.
Gising na ang bayan natin sa luksang bangungot,
Sa dibdib ay dala nagbabagang poot.
Biglang nagsihayo sa nayon at lunsod
Ang puwersang inapi ng rehimeng “bantog.”
Apaw na ang dugong sa baya’y tinigis
Ng api at mga kawawang kapatid.
Kundi man mautas ay ibinibilibid
Ng mga buwitreng kanyang alipures.
Sadistang gobyerno kawawa ay tao
PDA ang sagot sa pagtutol mo rito.
Kahit walang sala ay makakalaboso,
Para bang si Rizal ng El Filibusterismo.
Kay raming palabas pagbabangong puri
Ang laging sa madla kanilang sinasabi.
Sa bawat kasamaang kanilang ginawi
Para bang, pang-uto sa atin ay ganti.
Hinangan ng iyong talino at dunong
Ang buhay ko’t buhay niya ay hawak mo ngayon.
Masawi man kami, maghirap, magutom,
Masunod mo lamang pangarap mo’t layon.
Tulad mo’y nagtayo ng palasyo’t moog
Magandang malasin, may rehas at bakod.
Parang paraiso ng Bathala’t Dios
Na sa unang pansin ay kalugod-lugod.
Ngunit ang moog mo na iyong itinayo
Ay naging imbakan ng gawa mong lilo.
Walang idinulot, kundi pagkabigo
Sa kapangyarihan ikaw ay nalango.
Tulad mo’y si Hitler, tulad mo’y Herodes
Na dulot sa kapuwa ay puro pasakit.
Darating ang araw iyong mababatid
Magbabayad ka rin sa aming sinapit.
Tulad ng rehimen na iyong dambana
Utang na taglay mo’y saganang-sagana.
Saan ba nagamit, kayong napasasa
Sa sarap ng buhay, kami ang kawawa.
Di pa man isinilang munting Pilipino
Di pa nasilayan liwanag sa mundo,
May angking utang na nang dahil sa inyo
Nasaan ang puso n’yo kung kayo’y Kristiyano?
Yaman ng bayan ko na iyong ninakaw
At inyong itinago sa malayong bayan
Upang di mabuko pagdating ng araw
Tulad n’yo ay sukab, buwaya at suwapang.
Kaming magbubukid, kaming mangingisda
Sa kamay mo’y api at walang paglaya.
Pagkat feudalismo na iyong kasangga
Kaluluwa’t buhay nami’y nakasanla.
Manggagawa’y api sa iyong palakad
Lalo na sa LOI 1458 na iyong itinatag.
Tubo sa sosyo mong sa laway nagbuhat
Sa mga kampanyang sa iyo ay sikat.
Ang imperyalistang naghaharing uri
Na mga dayuhan sa bawat kawani
Sa bawat pagawaan ay namamayani
Ministri ng Paggawa, sila yata ang may ari.
Oo, sobra na’t kakila-kilabot
Ang iyong ginawa’t sa bansa’y idinulot
Pati tsokaran mong Estados Unidos
Pareho na kayong mangungurakot.
Panahon na bayan na magkapit-bisig
Kamao’y itaas isigaw ang boses.
Maging ang buhay man ang maging kapalit
Rehimeng malupit ibagsak nang pilit.
Darating ang araw tayo ay gagapang
Sa hirap ng buhay tayo’y mamatay.
Mga anak natin ay magiging mangmang
Patak ng ulan ay pamatid-gutom at uhaw.
Saplot na suot mo’y baka mawala pa
‘Pag baya’y tahimik at hindi nag-alsa.
Kaya ngayon bayan habang may panahon pa
Diktadurang pamunuan ngayo’y ibagsak na.
Panahon na bayan tayo’y magkaisa
Sa iisang layon at iisang diwa.
Huwag isaisip ang sariling nasa
Itanim sa puso’y pag-ibig sa kapuwa.
Tanging Diyos ang kanlungan at ating kalasag,
Ang sandigan natin ay napakatatag.
At anumang puwersa ay ‘di mabubuwag
Anumang sandata ay ‘di malalansag.
Inaliw ni Yahweh ang bayang inapi
Sa tunog at hudyat ng Kanyang tambuli.
Baya’y nangatuwa’t nangasipagbunyi
Pag-asa’t sisikat, sisilay ang ngiti. F ERNIE F. GADONG